INARESTO at kinulong ng pulisya ng Marikina si Edmar Estabillo, reporter ng DZRH radio, dahil siya raw ay arogante.
Nakipagtalo diumano si Estabillo kay SPO2 Manuel Laison matapos hindi siya pinayagan ng huli na tingnan ang police blotter.
Ang police blotter, kung saan nakaulat ang mga krimen na naganap sa isang lugar, ay isang public document.
Ibig sabihin, open to the public at kahit sinong mamamayan ay puwedeng basahin ito.
Ang mga journalists, dahil sa kanilang trabaho, ay may access sa police blotter kahit anong oras.
Pero ayaw payagan ni Laison ang reporter na si Estabillo na tingnan ang police blotter upang may pagbasehan siya ng ulat sa mga nakikinig sa kanyang radio station.
Doon nagsimula ang pagtatalo at pag-aresto at pagkulong kay Estabillo ng mga pulis-Marikina.
Sabi ni Senior Supt. Vincent Calanoga, hepe ng pulisya ng Marikina , naging arogante raw si Estabillo kay Laison.
“Hindi mo ako kilala? Bakit naman ako magsusuot ng ID para lang sa iyo,” sabi ni Calanoga na sinabi raw ni Estabillo kay Laison.
Maliwanag na kinakampihan ni Calanoga ang kanyang tauhan.
Pero, teka, si Estabillo ay nakasuot ng bush jacket ng DZRH at ang pangalan niya ay nasa kaliwang dibdib ng jacket.
At hindi lang yan. Si Estabillo ay naging pre-sident ng Eastern Police District Press Club. Ibig sabihin ay matagal nang nagko-cover si Estabillo sa Marikina .
Imposibleng di makikilala ni Laison si Estabillo.
At imposibleng gagawa ng ganoong eksena si Estabillo dahil matagal na nga siyang police reporter at kaibigan na siya ng maraming pulis sa Eastern Police District.
Si Laison ay may re-putasyon na nang-aangil ng mga reporters at maaaring may tupak siya noong mga oras na nilapitan siya ni Estabillo.
Pero ipagpalagay na natin na naging arogante si Estabillo, tama bang arestuhin siya at ikulong?
May krimen ba na arrogance towards a police officer?
Wala yata yan sa batas, mga bossing.
Isa pa, hindi naman sinaktan ni Estabillo si Laison.
Ang pag-aresto at pagkulong kay Estabillo dahil siya naging arogante sa alagad ng batas ay parang pagkulong sa isang tao dahil siya’y pangit.
Maniwala kayo’t hindi, maraming pulis ang naniniwala na may batas na “illegal possession of an ugly face.”
Matagal akong na-ging police reporter pero hindi ako inaresto at ki-nulong dahil ako’y nakipagtalo sa isang pulis dahil ayaw akong payagan na tingnan ang police blotter.
Matagal nang isyu ang police blotter sa mga reporters at mga pulis.
Oo nga’y may mga pulis na ayaw ipakita noon sa aming mga police reporters ang blotter, pero matapos ang pagkaliwanagan ay nananalo ang police reporter.
Noong martial law, pinagalitan ng Ministry of Justice ang superintendent noon ng Northern Police District (NPD) na si Brig. Gen. Tomas Karingal dahil sa isyu ng police blotter.
Sinabi ng Ministry of Justice na ang police blotter ay isang public record at kahit sinong tao ay puwedeng basahin o tingnan ito.
Ayaw kasing ipabasa sa mga police reporters na nagko-cover ng NPD ang police blotter sa mga istayong nasasakupan ng NPD.
Mula noon ay may access na ang mga police reporters sa police blotter.
Kailangan kasi ng mga reporters na tingnan ang police blotter upang may pagbasehan sila sa kanilang mga ulat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.