Ai Ai maligayang-maligaya sa piling ni Gerald: Hindi kasi pwersado, walang effort!
Kaarawan na ni Ai Ai delas Alas sa Miyerkules. Sasalubungin niya nang nakangiti ang kanyang kaarawan sa taong ito dahil ibang-iba na ang kanyang kapaligiran.
Kung nu’ng mga nakararaang taon ay namamana sa dilim ang kanyang karera, ngayon ay isa na siya sa mga itinuturing na poste ng GMA 7, nakatapos na rin sa matinding indulto ang karera ng Comedy Concert Queen.
Maligaya siyang bilang ina, nag-aaral ang dalawa niyang anak sa Amerika at nag-aartista na si Sancho na mas nauna pa sa kanya sa Kapuso network, at siyempre’y tahimik ang kanilang relasyon ni Gerald Sibayan.
Nu’ng minsan ay sinabi sa amin ng sikat na komedyana, “Ito ‘yung happiness na nararamdaman mo na lang. Hindi puwersado, walang effort, basta alam mong maligaya ka.
“Pareho kasi kaming busy, nagtatrabaho ako, nag-aaral naman siya at busy sa badminton na passion niya. Maganda pala ‘yung pareho ka-yong busy,” paglalarawan ni Ai Ai sa relasyon nila ng bagets niyang boyfriend.
Kung dati’y naghahanap ng trabaho ang kanyang katawan, ngayon ay wala na siyang pahinga sa dami ng kanyang trabaho, ito ang mas gusto niya. Mabait ang kapalaran kay Ai Ai dahil maganda ang kanyang puso.
Ibagsak man siya, siraan man siya nang todo, ang puso pa rin niya ang babasahin ng Diyos. Tao lang siyang nasasaktan, pero na-master na niya ngayon ang pagkokontrol, namimili na lang siya ng papasuking laban.
Mahalaga ang kanyang panahon, mas marami siyang magagawang produktibong bagay kundi niya papatulan ang mga taong walang nakikitang maganda sa kanya, alam na alam na ni Ai Ai delas Alas ang laro sa mundong pinagtagumpayan niya.
Maligayang kaarawan uli sa babaeng pinagpala ng panahon. Happy birthday, Ai Ai delas Alas, maligayang kaarawan sa nag-iisang Comedy Concert Queen!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.