Talk ‘N Text wagi sa Mahindra; Barako Bull pinataob ang Ginebra
Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
5:15 p.m. Blackwater vs Meralco
7 p.m. San Miguel Beer vs Rain or Shine
SUMANDAL ang Talk ‘N Text Tropang Texters sa mahusay na paglalaro ni Jason Castro para itakas ang 101-97 pagwawagi laban sa Mahindra Enforcers at maitala ang unang panalo sa 2015-16 PBA Philippine Cup elimination round kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinamunuan ni Castro ang Tropang Texters sa kinamadang 28 puntos mula sa 8-of-15 field goal shooting na sinamahan pa niya ng apat na rebounds.
Mas maganda rin ang ipinakitang laro ng mga rookies ng Talk ‘N Text sa laban na ito kumpara sa kanilang unang laro kontra Alaska Aces noong nakaraang linggo.
Ang top rookie pick na si Moala Tautuaa ay nagtapos na may 12 puntos at anim na rebounds habang si Troy Rosario ay nagtala ng 12 puntos at limang rebounds laban sa koponan na pumili sa kanya sa nakalipas na rookie draft.
“We’re not where we should be. We’re still groping for our rotation, our defending. We’re still a long way,” sabi ni Talk ‘N Text coach Jong Uichico.
Hindi naman nakasama ng Tropang Texters sa laro si Ranidel de Ocampo na hindi makapaglalaro ng apat hanggang anim na linggo bunga ng back injury.
Nagsagawa ang Talk ‘N Text ng 13-2 ratsada sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto para ang 88-84 paghahabol ay gawin nilang 97-90 kalamangan.
Subalit hindi nagpaiwan ang Mahindra matapos na ilapit ni LA Revilla ang Enforcers sa dalawang puntos, 99-97.
May pagkakataon pa sana ang Mahindra na agawin ang kalamangan subalit sumablay si Nino Canaleta sa kanyang 3-point shot sa huling 30 segundo bago tuluyang isara ni Jai Reyes ang laro sa free throw line.
Pinangunahan ni Revilla ang Mahindra, na nalasap ang ikalawang pagkatalo, sa itinalang 21 puntos at siyam na rebounds habang ang rookie na si Bradwyn Guinto ay gumawa ng double-double sa kinanang 17 puntos at 13 rebounds.
Sa ikalawang laro, nakabangon ang Barako Bull Energy mula sa 20-puntos na paghahabol para itakas ang 82-79 panalo laban sa Barangay Ginebra Kings.
Umiskor si JC Intal ng 22 puntos para pamunuan ang Energy na nakubra ang unang panalo matapos ang dalawang laro. Nag-ambag naman si RR Garcia ng 16 puntos para sa Barako Bull.
Nasayang naman ang kauna-unahang career 20-20 performance ni Greg Slaughter na 27 puntos at 26 rebounds matapos makatikim ang Kings ng ikalawang sunod na kabiguan. Si LA Tenorio ay nagdagdag ng 12 puntos para sa Ginebra.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.