HINDI talaga puwedeng balewalain ang Rain or Shine kahit na hindi naman naging awesome ang mga pagbabagong naganap sa koponan noong offseason. Oo’t matatambakan sila sa umpisa ng laro pero predictable namang makakabawi sila sa dulo at makakapanakot kundi makakasilat.
At iyon nga ang nangyari sa unang laro ng Rain or Shine kontra Star Hotshots noong Miyerkules. Nagwagi ang Elasto Painters, 96-87.
Bunga nito ay nabulilyaso ang maganda sanang head coaching debut ng dating television commentator na si Jason Webb na humalili kay Tim Cone bilang coach ng Hotshots.
Ang akala ng karamihan ay magiging sensational ang debut niya dahil sa matindi nga ang naging umpisa ng Star na lumamang ng 12 puntos.
Maganda rin ang naging umpisa ng two-time Most Valuable Player na si James Yap na gumawa ng 13 puntos sa first half sa ilalim ng sistemang run and gun na ipinapairal ni Webb. Hindi na kasi ginamit ni Webb ang triangle offense ni Cone na naging sanhi ng pagbaba ng mga numero ni Yap sa mga nakaraang seasons.
Pero hind napigilan ng Star ang pagbabalik ng Rain or Shine sa second half at sa fourth quarter ay nakontrol na nga ng Elasto Painters ang laro.
Well, masaklap na debut para kay Jason. Sayang! Nandoon pa naman ang kanyang pamilyang pinamumunuan ni Senator Freddie Webb na umaasang magiging maganda ang resulta ng unang game ng Star.
Pero bahagi iyon ng learning experience para kay Jason.
Kung nanalo ang Star at naging maayos ang unang game ni Jason bilang coach, baka naman magkumpiyansa siya nang husto. Yamang natalo ang Star, malamang na na-realize ni Jason na marami pa siyang kailangang matutunan.
At malamang ngayon ay matututo pa siya nang husto dahil sa ang katunggali niya ay si Cone sa pagkikita ng Star at Barangay Ginebra.
Siyempre, marami ang magsasabing parang ipinakain sa leon si Jason dahil sa mga beterano agad ang itinapat sa kanya. Si Cone ngayon matapos na makatunggali niya si Joseller “Yeng” Guiao noong Miyerkules. E kung magbibiro ka nga malamang na sabihin mong kahit nakapikit ang mga coaches na ito ay tagilid pa rin si Jason.
Pero hindi pipikitan ni Guiao si Webb. never niyang gagawin sa kahit na sinong coach iyon. Kasi nirerespeto niya ang bawat makalaban. Pinagbubuhusan niya ng atensiyon at paghahanda ang bawat laro.
Kung tutuusin, parang lamang sa tao ang Star kaysa sa Rain or Shine dahil sa mga pagbabagong naganap sa offseason. E nawala pa nga sa panig ng Elasto Painters sina Jervy Cruz, Ryan Araña at Jonathan Uyloan na nalipat ng ibang koponan. Nagretiro si Tyrone Tang. At may injury si Paul Lee na hindi makapaglalaro ng dalawang buwan.
Naidagdag ang mga beteranong sina Jewel Ponferada at Ronnie Matias at mga rookies na sina Maverick Ahanmisi at Don Trollano. Hindi pa nakasama ang isang rookie na si Jonathan Nimes na kailan lang naging available.
Pero sa kabila nito ay nagtagumpay pa rin ang Elasto Painters!
Aba’y may magic pa rin si Guiao, ‘di ba? Patuloy pa ring katatakutan ang Rain or Shine!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.