10 BABALA NI LOLA NIDORA: ‘LOVE ADVICE PA MORE’
SIGURADONG walang kokontra kapag sinabi naming muling nakabangon ang showbiz career ni Wally Bayola dahil sa kalyeserye ng Eat Bulaga bilang si Lola Nidora, ang pinakamamahal na lola ni Yaya Dub.
Araw-araw inaabangan ng milyun-milyong Dabarkads ang mga nakakatawa, nakakawindang at nakaka-inspire na mga eksena niya, lalung-lalo na ang mga words of wisdom na isini-share niya sa mga kabataan, partikukar na sa usapin ng pakikipagrelasyon.
Kailan lang ay pinarangalan siya at si Maine Mendoza ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) dahil sa mga naibabahagi nilang aral sa mga kabataan pati na rin sa mga magulang na talaga namang napapanahon. Narito ang siyam sa mga hindi malilimutang “babala” ni Lola Nidora na tumatak sa isip at puso ng mga Pinoy sa buong mundo.
1. “Ang pamilya ay pamilya. Kahit anong mangyari ay hindi pwedeng ipagpalit, hindi pwedeng piliin, pero dapat tanggapin.” Nasambit ito ni Lola nang magkasama-sama silang muli ng kanyang mga kapatid na sina Tidora at Tinidora.
2. “Ang pagtupad ng pangako ay ang pagsunod ng totoo! Ang binitawang salita ay hindi dapat isawalang-bahala.” Galit na galit si Lola dahil hindi ti-nupad nina Alden at Yaya ang kanilang pangako. Tinangka kasi nilang magkita sa studio ng Eat Bulaga pero hinarangan sila ng plywood ni Lola.
3. “Maganda ang may inspirasyon sa buhay. Pero dapat nilalagay sa tama! Hindi lahat ng oras ay pag-ibig!” Ayan mga bata. Nagsalita na ang lola. Mag aral muna.
4. “Hindi lahat ng bagay instant noodles. Ano to? Fan sign lang, love na? Text text lang, kayo na?” Ipinagdiinan ni Lola na hindi minamadali ang mga bagay-bagay sa mundo, lalo na ang pag-ibig. Lahat ay mangyayari sa tamang panahon.
5. “Ang pag-ibig n’yo ay hindi pantakbuhan, hindi pambayanihan… Pangsugod bahay lang. Isa lang ang winner. Isa lang dapat ang winner sa puso ng bawat isa.”
Ayon kay Lola, dapat lang na kapag umibig ay sigurado kang siya na at siya lang. Matutong maghintay at huwag magpadalus-dalos na madalas nagiging dahilan ng “disgrasya.”
6. “Minsan may mga bagay na gusto mong hawakan pero hindi kasya sa kamay mo. Ang hindi kayang hawakan ng kamay mo, hawakan mo ng puso mo.” Ito ang payo ni Lola noong mga panahong nangungulila si Alden kay Yaya Dub. Ito yung eksenang kailangan munang umalis ni Yaya para makaiwas kay Isadora na inakala ng lahat na siyang tunay niyang ina.
7. “Ang tunay na pag-ibig kahit hindi kayo magkapiling, nararamdaman. Ang tunay na pag-ibig kahit hindi nagkikita, pinapahalagahan at iniisip ang isa’t isa. Iniisip ang kabutihan at hinihintay ang tamang panahon.” Magkalayo man daw sina Alden at Yaya ay nasisiguro niyang magkikita’t magkikita pa rin ang dalawang pusong tunay na nag-iibigan.
8. “Ang gusto ko lang naman ay ang pag-ibig sa tamang panahon. Lahat ng bagay pinagtiya-tiyagaan. Lahat ng bagay pinaghihirapan. Lahat ng bagay pinagsusumikapan. Walang kahahantungan ang mga bagay na minamadali.” Ang eksenang ito ay naganap nang pagalitan ni Lola ang dalawa dahil sinira nila ang kanilang pangako na hindi muna sila magkikita.
9. “Hindi sapat ang yaman para ibigin ang isang tao. Ang pag-ibig ay nararamdaman, hindi binibili, ipinaglalaban, iniingatan at i-pinagkakaloob sa tamang panahon.” Siguradong marami ang naka-relate sa babalang ito ni Lola dahil isa ito sa mga linya ni Wally na nag-trending nang bongga sa social media.
10. “Masarap umibig. Masarap ang may inspirasyon. Huwag lang minamadali…lahat ng bagay nasa tamang panahon.” Sinang-ayunan ito ng lahat ng mga magulang dahil naniniwala sila na ang pinilit at minadaling relasyon ay kalimitang madali ring mawasak
Read more: https://bandera.inquirer.net/106121/ngayon-na-ang-tamang-panahon#ixzz3pRyKgp4k
Follow us: @inquirerdotnet on Twitter | inquirerdotnet on Facebook
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.