Labimpito katao ang sugatan nang mahulog ang sinakyan nilang pampasaherong jeepney sa isang bangin sa Sablan, Benguet, kahapon (Biyernes) ng hapon, ayon sa pulisya.
Isinugod ang apat sa mga sugatan sa Baguio General Hospital dahil pawang mga nagsusuka ang mga ito, sabi sa Bandera ni Senior Inspector Azalea Rabena, hepe ng Sablan Police.
Dinala naman ang 13 pa, kabilang ang driver na si Rivera Dayap, sa Municipal Health Center dahil bahagyang pinsala lang ang tinamo, sabi ni Rabena nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang insidente ilang minuto bago mang alas-2 sa Sitio Batiled, Brgy. Pappa.
Minamaneho ng 54-anyos na si Dayap ang jeepney (AYA-917) mula Baguio City patungong Brgy. Pappa, nang mahulog ito sa bangin na 30 hanggang 35 talampakan ang lalim, ani Rabena.
“Apparently mechanical error, lost brake in particular, ang nangyari. Kasi instead na makaliko ‘yung jeep sa sharp curve, nalalalag ito,” aniya.
Sa kabila nito’y di pa inaalis ang posibilidad na may pagkakamali din ang driver kaya ito patuloy na iniimbestigahan, ani Rabena. (John Roson)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.