CBCP nagbabala sa LP laban sa paggamit ng pondo ng DILG para sa kampanya ni Mar
NAGBABALA ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Liberal Party (LP) sa posibilidad na gamitin ang natitirang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa kampanya ni dating secretary Mar Roxas.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang CBCP matapos ang report ng Commission on Audit (COA) kung saan sinasabi nito na 65.5 porsiyento ng mga proyekto para sa disaster risk reduction management (DRRM) na aabot sa P42 ay hindi pa naipapatupad ng DILG.
Sinabi ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action (Nassa)/Caritas Philippines na maaaring gamitin ang P42 bilyon para sa mga pulitikong nasa ilalim ng LP.
Idinagdag ni Gariguez na nagpapatunay lamang ito na mahina ang liderato ng DILG sa ilalim ni Roxas na siyang pambato ng LP.
“Lagi ngang daing ng mamamayan hindi nila makita ang sapat at epektibong tulong ng gobyerno kahit ng pamahalaang lokal thru DILG na rin, kaya sukatan din ito sa mga kandidato ngayon sa kanilang kakayahang sumaklolo at pagpatupad ng programa lalot higit sa emergency,” sabi pa ng opisyal ng CBCP.
“Malaking pagkukulang dito ng DILG ayon sa data na yan. Ito’y pagkukulang na kailangang tanggapin. Ang mahalaga ay tumulong, nakakatakot naman na ang perang natitira ay magamit sa eleksyon,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.