KARAGDAGANG nurses ang nais ng mga ospital sa United Kingdom (UK) dahil kulang sila sa mga ito ngayon. At alam ba ninyo na nais nilang magdagdag ng mga Pinoy nurses? Ito ay kasunod na rin ng lumabas na batas sa mga nurses na nagtatrabaho sa UK na hindi British citizen n kailangan ‘anyang kumikita sila ng 35,000 pounds sa loob ng anim na taon na pagtatrabaho doon.
Siyempre pa, iba’t-iba ang naging reaksyon ng mga kababayan nating nurse na mga nagsisipagtrabaho sa UK.
Mula nang maipatupad ang naturang programa noong 2011, ayon sa balita ng isa nating kabayan doon, may ibang nagalit at natatakot din ang marami sa maaring epekto nito kapag hindi umabot sa tinatawag na “salary threshold” ang kanilang kita.
Nang makapanayam naman ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer si Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, nilinaw niyang hindi pa naman mararamdaman ng mga kababayan nating nurse sa UK ang epekto ng programang ito hanggang sa 2017, dahil binigyan ng anim na taon na palugit ang mga nurse doon upang abutin ang itinatakdang suweldo na aabot sa 35,000 pounds.
Ngunit may ilang mga ospital na ang nangangamba sa maaaring kakulangan ng nurses dahil sa naturang batas. Tulad na lamang ng Bromyard Community Hospital na nais magdagdag ng 80 nurses sa kasalukuyan nilang staff.
Ayon pa sa ulat, dahil sa nurse shortage na nangyayari sa United Kingdom ay halos magsara na ang ilang mga wards sa mga ospital dahil nga sa kakulangan ng kanilang staff. Sa kasalukuyan, pumayag lang ang staff ng Bromyard Community Hospital na magtrabaho nang mas mahabang oras para lang maisalba ang napipintong pagsasagara ng mga hospital wards.
Sa simpleng pagtingin sa problemang ito, simple lang din naman ang naki-kitang solusyon ng Bantay OCW. Saan ba nanggaling ang panukalang batas na dapat umaabot sa 35,000 Pounds ang suweldo ng bawat nurses doon sa loob ng anim na taon? Hindi ba’t mula na rin sa kanilang gobyerno?
E kung taasan na lang National Healthcare System ng United Kingdom ang suweldo ng mga non-UK citizen na nurses doon para umabot sa quota, e di solved na ang problema? Tutal sa kanila naman nanggaling ang naturang panukala.
Walang nursing shortage, masaya pa ang mga nurse na ito dahil nabigyan pa sila ng mas mataas na suweldo.
Aminado naman ang Royal College of Nursing na malaki ang kontribusyon ng mga Pinoy nurses sa pagpapabuti at pagsasaayos ng National Healthcare System ng United Kingdom. Pinuri rin ng ilang mga opisyal nito ang mga Pilipino sa pagiging masipag, masunurin, at propesyunal umano sa kanilang pagtatrabaho.
Kaya sa usapin ng nur-ses, hinihintay pa natin ang magiging resulta niyan hanggang dumating ang 2017. Ayon naman kay Cacdac marami pang mangyayari bago dumating ang panahong iyon.
Samantala, mayroon din namang magandang balita ang UK para sa ating mga kababayang artists at skilled workers. Ang mga singers, dancers, performers at ilan pang may special skills, maari na ring makapagtrabaho sa UK sa loob ng maikling panahon lamang at maari din naman sila manatili doon ng mas matagal kung may employers na nais kumuha sa kanila ng pangmatagalan.
May mga skilled workers naman na kasama sa shortage occupation list tulad ng directors, producers, Ilang mga dancers, musicians at graphic designers. Ang mga trabahong ito ay-kailangang-kailangan sa UK dahil kakaunti lamang ang ganitong klase ng mga manggagawa.
Sakabila nito, mag-ingat palagi sa mga online recruitment na naglipana para di mabiktima ng illegal recruitment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.