Ombudsman iimbestigahan si Abad kaugnay ng DAP
IPINAG-UTOS ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na imbestigahan si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad na nahaharap sa kasong technical malversation kaugnay ng pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Inaprubahan ni Morales ang preliminary investigation at administrative adjudication laban kay Abad, na siyang utak ng DAP, na naunang idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional.
Bukod kay Abad, nahaharap din sa imbestigasyon si Budget Undersecretary Mario Relampagos, na nauna nang kinasuhan ng matapos namang masangkot sa pork barrel scam.
Hindi naman isinama ni Morales si Pangulong Aquino sa imbestigasyon. Si Aquino ang nagtalaga kay Morales bilang Ombudsman matapos magretiro bilang Supreme Court Justice noong 2012.
Ipinag-utos ni Morales ang imbestigasyon laban kina Abad at Relampagos matapos ang rekomendasyon ng field investigation office ng Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.