FEU nakalusot sa Adamson; La Salle ginapi ang UE
Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs UP
4 p.m. UST vs La Salle
Team Standings: FEU (5-1); UST (4-1); Ateneo (3-2); La Salle (3-2); NU (3-3); UP (2-3); UE (2-4); Adamson (0-6)
NAIPASOK ni Mike Tolomia ang krusyal na 3-pointer at ang Far Eastern University ay sumulong sa 64-60 panalo laban sa Adamson University sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ng Falcons ang 58-57 kalamangan sa layup ni Joseph Nalos ngunit naispatan ni Roger Pogoy ang libreng si Tolomia para agawin ng Tamaraws ang kalamangan, 60-58.
Bago ang buslong ito ni Tolomia ay sablay ang kanyang unang limang attempts sa 3-point line at mayroong 1-of-7 shooting.
“Tiwala ako noong binitawan ko ang bola,” wika ni Tolomia na tumapos taglay ang 10 puntos.
Nahiritan ni Pogoy ng passing error si Nalos at sa kabilang dulo ay naipasok ng beteranong Tamaraws guard ang dalawang free throws para bigyan ng kumportableng kalamangan ang koponan para solohin uli ang liderato sa 5-1 baraha.
Si Russel Escoto ang nanguna sa FEU sa kanyang 11 puntos habang si Mac Belo ay may 10 puntos pa.
Nasayang ang 26 puntos at 22 rebounds ni Pape Sarr dahil nalaglag ang Falcons sa ikaanim na sunod na laro.
Kinuha ng De La Salle University ang unang back-to-back panalo sa taon gamit ang 71-64 panalo sa University of the East sa unang laro.
Kinakitaan ng mas magandang pag-atake ang Green Archers nang sina Jeron Teng at rookie Andrei Caracut ay tumapos taglay ang 16 puntos habang si Larry Muyang ay mayroong double-double na 11 puntos at 11 rebounds para makasalo ng La Salle ang karibal na Ateneo sa 3-2 baraha.
Bumaba ang Warriors sa 2-4 baraha at ang kanilang leading scorer na si Edison Batiller ay nagkaroon lamang ng dalawang puntos sa 0-of-9 shooting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.