Aabot sa P4.36 milyon halaga ng marijuana ang nasira ng mga awtoridad nang
salakayin ang iba-ibang plantasyon sa Kibungan, Benguet, iniulat ng pulisya
kahapon.
Natagpuan ang 18,800 fully-grown marijuana at 15,000 seedlings sa 14
plantasyon mula noong Miyerkules hanggang Biyernes, sabi ni Chief Supt.
Isagani Nerez, direktor ng Cordillera regional police.
Nadiskubre ang mga plantasyon, na may kabuuang lawak na 3,119 square
meters, sa Sitios Dinummeg, Asob, Bana, Lawed, Minac, at Tanap ng Brgy.
Takadang, sabi ni Nerez sa isang kalatas.
Matapos sirain ay sinunog ng mga elemento ng Kibungan Police at Philippine
Drug Enforcement Agency ang fully-grown marijuana at seedlings sa mga
naturang lugar, aniya.
Walang natagpuang caretaker o cultivator sa mga plantasyon pero may
isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang mga ito, ayon kay Nerez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.