Banago kampeon uli sa Batang Pinoy softball | Bandera

Banago kampeon uli sa Batang Pinoy softball

Mike Lee - August 29, 2015 - 01:00 AM

NILIMITAHAN lamang  ng 15-anyos na pitcher na si Kaith Erza Jalandoni sa dalawang hits ang Iloilo habang magkasunod na homeruns ang ginawa nina Glory Alonzo at Chasten Jover sa ikalawang inning para itatak ng Banago ang 3-0 shutout panalo at manatiling kampeon sa softball sa 2015 Batang Pinoy Visayas leg na ginawa sa Romblon National High School sa Romblon, Romblon.

Inasahang dikit ang labanan ng dalawang koponan na magkatablang tumapos sa double round elimination (3-1) sa hanay ng tatlong naglaban pero lutang ang galing ng delegasyon mula Bacolod para makabangon din mula sa pagkatalo sa Iloilo sa Batang Pinoy National Finals sa Bacolod noong nakaraang taon.

“Champion kami sa Visayas leg last year sa Aklan pero natalo kami sa kanila sa National Finals sa Bacolod. Ipinakita lang ng mga bata na karapat-dapat silang manalo rito dahil inilabas nila ang matinding sakripisyo sa training,” masayang sinabi ni Banago coach Aileen Cabaybay na naging kasapi ng national softball pool noong dekada 90.

Nakisalo sa tagumpay ng Banago sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission at may basbas ng Philippine Olympic Committee ang mga manlalaro ng table tennis at karatedo mula Bacolod City at woodpushers mula Escalante City.

Sina Neil John Lauren at Francis Elaine Arguelles ay nagtala ng tig-dalawang ginto para walisin ang boys’ singles, girls’ singles at mixed doubles sa table tennis habang ang magkapatid na sina Reivax Josh at Versia Zeth Condada ay nagsama sa pitong ginto para humakot ang Bacolod ng 27 gintong medalya sa 41 events na pinaglabanan.

Galing sa chess ang sinandalan ng Escalante City kina Areon Keife Charles Sinining at Manilyn Cabunglag nang walisin ang blitz, rapid at standard events sa magkabilang dibisyon.

Bitbit ng Iloilo ang limang manlalaro na beterana ng 2013 Little League World Series ngunit hindi sila umubra kay Jalandoni na mayroon pang 15 strikeouts sa pitong inning na pagpukol.

Si Royeve Palma, na kasama sa World Series, ang pumukol para sa Iloilo at nagbigay siya ng limang hits na pinasimulan ng magkasunod na malalayong palo na umabot sa left at right field nina Alonzo at Jover para basagin ang scoreless first inning.

Ginawang 3-0 ni May Mahinay ang iskor sa fourth inning mula sa fielding error ni Neelyen Pajotal pero nakapanakot pa ang Iloilo na agawin ang panalo sa seventh inning.
Lead-off double ang ginawa ni Royevel Palma at matapos ang magkasunod na strikeouts ay nagbigay si Jalandoni ng magkadikit na base-on-balls kina Ihiegred Parreno at Mae Rendo para sa full-bases.

Ngunit hindi nasira ang diskarte ni Jalandoni dahil nakuha niya ang hinataw na bola ni Mae Langga sabay balik sa catcher na si Rialyn Alabo tungo sa ikatlong out kay Palma.

Ang host Romblon ang ikatlong koponan na kasali pero inutusan ni coach Romel Mendezabal ang kanyang manlalaro na i-default ang mga sumunod na laro matapos lumasap ng 10-0 pagkatalo sa Banago sa unang laro bagay na hindi nagustuhan ni host City Mayor Gerard S. Montojo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Ito ang unang negative na balita na nalaman ko at nakakahiya dahil kami ang host at kami ang gumawa nito. Ang Batang Pinoy ay para sa mga bata at dapat ay pinaglaro sila kahit alam na matatalo dahil exposure nila ito at makakatulong para sila ay mas gumaling,” wika ni Montojo na humingi rin ng paumanhin sa ginawa ni Mendezabal kasabay ng pagtiyak na may karampatan na parusa ang ipapataw sa maituturing na unsportsmanlike act nito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending