Pilipinas sasagupa sa China sa U23 volleyball | Bandera

Pilipinas sasagupa sa China sa U23 volleyball

Mike Lee |May 07,2015
facebook
share this

Pilipinas sasagupa sa China sa U23 volleyball

Mike Lee - May 07, 2015 - 01:00 AM

SISIMULAN ngayon ang knockout round sa Rebisco 1st Asian U23 Women’s Volleyball Championship at makakasagupa ng Pilipinas at itinuturing na ‘team-to-beat’ na China sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ikatlong laro sa ganap na ika-4:15 ng hapon gagawin ang tagisan at ang magwawagi ay aabante sa semifinals sa 12-bansang torneo.Ang Pilipinas ay natalo kontra Japan at Chinese Taipei sa second round para tumapos sa pang-apat sa Pool E.

Mas matinding hamon naman ang haharapin ng pambansang koponan dahil ang China ay hindi pa nakakatikim ng pagkatalo sa torneyong ito. Hindi naman natitinag si PH coach Roger Gorayeb dahil alam niyang patuloy na magsusumikap ang pambansang koponan para makakuha ng panalo.

“Hindi man kami nananalo ay maraming natutunan ang team at ito ay magagamit ng mga players para gumaling sila,” wika ni Gorayeb. Idinagdag pa nito na malaking karangalan na ang naibigay ng koponan dahil kahit salat sa panahon para makapaghanda ay nakapasok pa sila sa quarterfinals at pinakamahina na ang pang-walong puwestong pagtatapos kung matalo man sa mga susunod na laban.

Si Alyssa Valdez na hinangaan pati ng mga nakalabang dayuhan, ang mangunguna sa Pilipinas pero kakailanganin niya ang suporta ng ibang kasamahan tulad nina Jaja Santiago, Bea De Leon, Myla Pablo at Gretcel Soltones para maitakas ang posibleng pinakamalaking panalo sa kasaysayan ng volleyball sa Pilipinas.

Mauunang magtuos sa ganap na alas-12 ng tanghali ang Japan at India. Susundan ito ng Taipei at South Korea alas-2 ng hapon at maglalaban ang Thailand at Iran alas-7 ng gabi.

Ang mga mananalo ay papasok sa Final Four habang ang matatalo ay malalaglag sa consolation round para sa ikalima hanggang ikawalong puwesto.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending