Wally: Naku, hindi kayang palitan ng JoWaPao Ang Tito, Vic & Joey! | Bandera

Wally: Naku, hindi kayang palitan ng JoWaPao Ang Tito, Vic & Joey!

Reggee Bonoan - November 19, 2017 - 12:05 AM

JOSE MANALO, WALLY BAYOLA AT PAOLO BALLESTEROS

NAALIW kami sa trailer ng pelikulang “Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies” nina Paolo Ballesteros, Wally Bayola at Jose Manalo. Maski na nakikipaglaban na ang tatlong lola sa mga zombie ay may poise pa rin at talagang kuntodo make-up pa!

Umiikot ang kuwento sa nalalapit na kaarawan ng apo ng tatlong lola na sina Lola Tinidora (Jose), Lola Nidora (Wally) at Lola Tidora (Paolo) na si Charmaine (Caprice Cayetano) bilang regalo. Gusto nilang maging perfect ang birthday ng apo para maging memorable ito sa bata.

Habang pinaplano ang out of town na biyahe, nagkakagulo na ang mga tao sa paligid dahil sa biglang naglabasan at naglipana ang mga zombie.

Nakasalubong nila ang grupo ng kabataang kinabibilangan nina Marcy (Ryzza Mae Dizon), Irish (Taki Saito), Aladin (Kenneth Medrano), Cath (Shaira Mae), Will (Miggy Tolentino) at Melo (Jayvhot Galang) na takot na takot sa nagkalat na zombies.

At bilang Super Lolas, gamit ang determinasyon at galing sa utakan upang mailigtas hindi lang ang mahal na apo kundi pati na ang iba pang mamamayan na gustong biktimahin ng zombies.

Ang “Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies” ang biggest movie together nina Jose, Wally at Paolo at kahit na napasama na sila sa mga pelikula ni Vic Sotto ay ngayon lang sila nagkaroon ng pelikulang sila ang sentro ng kuwento.

Base sa panayam kay Wally ay marami na siyang karakter na nagampanan pero itong Lola Nidora ang tumagal at talagang hit na hit sa mga bata dahil comedy at kapag seryoso na ay nangangaral na kaya swak sa lahat.

“Hindi katulad ng ibang karakter na kenkoy lang,” say ni Wally.

Sa action scenes nang tatlong lola sa mga zombie ay seryoso sila at hindi nila ginawang komedya, “Oo, seryoso kami, pero dahil matanda na ako kaya nahuhuli siguro ‘yun ang nakakatawa, pero hindi namin ginawang kenkoy ang pakikipaglaban talaga,” sabi pa ni Wally.

Ang pinakamahirap na eksenang ginawa raw ni Wally sa “Trip Ubusan” ay ‘yung nasa ilalim siya ng tubig.

“Siguro ‘yung bini-briefing ako ng direktor na paglubog ng tubig ganyan-ganyan. Akala ko pagdating sa gitna ng dagat may rehearsal, take na pala agad at ang hirap kasi kunwari nag-struggle ako kasi nilagyan nila ako ng pabigat tapos naka-costume ako as lola so mararamdaman mo ‘yung pressure na nasa malalim ka na.

“Kaya kapag hindi na ako makahinga ‘yung mga diver inaangat na ako pataas siyempre nahihiya ako kasi pagdating sa taas talagang ubos hininga ako,” kuwento ni Wally.

Inaabot daw ng isang minutong nakalubog sa tubig si Wally at dahil naka-boots at naka-costume pa bukod sa 18 kilos na bakal na nakakabit sa kanya kaya hindi na niya kaya pang mas tumagal pa sa ilalim ng dagat.

“Sabi nga nu’ng mga diver, ang lalim daw ng inabot ko,” kuwento ni Wally.

 

***

Sa tanong kung ang The Lolas na ang papalit sa Tito, Vic & Joey.

“Ay hindi! Hindi! Iba ‘yun hindi kami puwedeng pumalit,” mabilis na sagot ng komedyante.

Kahit daw nabanggit pa ni Joey na ang tatlong lola lang ang nakakapagpatawa sa kanya ay hindi sapat iyon para masabing sila ang papalit sa TVJ.

“Siguro nakagaanan lang nila ng loob kasi lagi kaming magkakasama at sa travels, pero hindi mangyayari na kami ang papalit. Halimbawa kahit na anong gawin namin diyan magta-tumbling man kami o anuman kung hindi kami papansinin nu’ng tatlo (TVJ), waley pa rin,” paliwanag ni Wally.

Inamin din niya na humihingi pa rin sila ng suggestions kina TVJ kapag may mga ginagawa silang pelikula.

“Kung ano ‘yung mga lessons na natutunan namin sa kanila kapag gumagawa kami ng pelikula ay nagagamit namin,” sagot ng comedian-TV host.

At natutuwa rin si Wally dahil kapag pumupunta sila sa mga barangay ay maraming bata ang nagmamano sa kanila, “Sabi nila, lola pa-bless. Hindi nila iniisip na karakter ko lang ang pagiging lola Nidora.”

Mapapanood na ang “Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies” sa Nob. 22. Makakasama rin nila rito sina Angelika dela Cruz, Ryzza Mae Dizon, Arthur Solinap, Lovely Abella, Taki Saito, Kenneth Medrano, Miggy Tolentino, Shaira Mae dela Cruz, Archie Adamos, Jayvhot Galang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

May special participation din sina Al Tantay, Joshua Zamora, Niño Muhlach at Rochelle Pangilinan sa direksyon ni Mark Reyes produced by APT Entertainment at M-ZET Productions.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending