P15.4M shabu nasamsam sa nakakulong na Taiwanese, anak
John Roson - Bandera November 06, 2017 - 08:41 PM
Aabot sa P15.4 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa isang babaeng Taiwanese na nakakulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City at anak niyang nasa isang condominium sa Maynila, Lunes ng umaga.
Nakumpiska ang bahagi ng kontrabando kay Yuk Lai Yu, 72, nang magsagawa ng raid ang Philippine Drug Enforcement Agency, National Police, at Bureau of Corrections sa CIW dakong alas-4, sabi ni PDEA chief Aaron Aquino.
Natagpuan koreksyunal ang 135 gramo o P945,000 halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa 27 piraso ng panty liner at 2 pang kilo o P4.5 milyon halaga ng hinihinalang shabi na nasa mga plastic na pakete at jar.
Natagpuan din ang 1 milyong capsula na hinihinala ring bawal na gamot, 19 tseke na nagkakahalagang P633,593, isang check book, limang ATM card, bank account document na may mahigit P1.5 milyon at nakapangalan sa isang Anna Sy Balmeo.
Nakumpiska rin ang limang cellphone, isang electronic tablet, pocket WIFI modem, mga di pa gamit na foils at sachets, at perang mula sa ibang bansa.
Nakaditine si Yu, na gumagamit ng mga alyas na Yuk Lai Sze at Anna Sy Balmeo, sa CIW simula pa 2000 para sa kasong may kinalaman din sa iligal na droga, ani Aquino.
Tatlong oras matapos ang raid sa koreksyunal, ni-raid din ng PDEA, PNP, at BuCor ang unit ng anak ni Yu na si Diana, 40, sa Jy J Condominium, sa General Solano st., Brgy. San Miguel, Manila, malapit sa Malacañang.
Natagpuan doon ang dalawang kilo o P10 milyon halaga ng hinihinalang shabu, ani Aquino.
“Diana is using her rice retailing business in her condominium, located only a stone’s throw away from the gate of Malacañang Complex, as front to conceal her illegal drug activities. This shows how bold the suspect is,” aniya.
Napag-alaman na si Diana ay isa sa mga naka-kontratang mag-supply ng bigas sa catering facilities ng koreksyunal, kung saan naman itinatago ang mga iligal na droga at iba pang kontrabando, ayon sa PDEA chief.
Bukod dito aniya’y napag-alaman na may “special VIP access” si Diana sa ina tuwing bibisita sa koreksyunal.
Dahil sa mga nadiskubreng kontrabando si CIW at nakalap na impormasyon tungkol sa mag-inang Yu, inutos ni Aquino na isailalim sa drug test lahat ng 180 empleyado ng koreksyunal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending