Luis sinagot ang pagpapagamot sa stage 4 cancer ng ‘I Can See Your Voice’
KUNG sa mga naunang episodes ng I Can See Your Voice na bagong mystery music game show ng ABS-CBN ay sumasakit ang tiyan namin sa katatawa dahil sa contestants at sing-vestigators, iba naman ang napanood namin last Sunday dahil napaiyak talaga kami sa napili ni Jolina Magdangal na may na cancer.
Siya si Lovely Joy Corpuz o LJ, isang flight attendant na nadiskubreng may adrenal cancer noong 2014.
Natanggal naman daw ang bukol, pero nitong 2016 ay nadiskubreng may dalawang tumor at stage 4 na kaya kinakailangan niya ng 10 sessions ng chemotherapy na P25,000 per session kaya hindi niya alam kung saan niya ito kukunin. Handa naman daw siyang gawin ang lahat para gumaling siya.
Bukod dito ay tinaningan na raw siya ng doktor ng 10 years pero pilit na lumalaban si LJ dahil gusto pa niyang pagsilbihan ang nanay niyang may edad na rin.
Kuwento ni LJ, “Cancer will not stop me living my life kaya two weeks ago sinabihan ako ng doktor na I have high hopes for you na you still have 10 more years (to live), sabi ko, doc puwede po bang more than that, tapos sabi sa akin, ‘Iyon ay ipinagdarasal na, si God na ang magbibigay sa ‘yo.’ Anumang pagsubok, fight pa rin ako kasi dapat masaya lang ang buhay.”
Laking gulat naman ng mga sing-vestigators nang marinig ang boses ni LJ na naka-duet nga si Jolina sa awiting “Kapag Ako Ay Nagmahal” sabay kuwento ng kanyang pinagdadaanan.
Naluha lahat ang sing-vestigators sa mga inilahad ni LJ lalo na sina Angeline Quinto at Wacky Kiray. At ayon kay Andrew E lahat sila ay magbibigay ng tulong para sa pagpapagamot niya. Maging si Jolina ay nangako ring mag-aabot ng tulong kay LJ.
At ang tinaguriang kuripot among the TV hosts ng ABS-CBN na si Luis Manzano ay nag-pledge rin ng P250,000 kay LJ kaya lalong naiyak ang I Can See Your Voice winner.
Kaya pala in-interview ni Luis si LJ kung magkano ang gastos sa pagpapa-chemo at kung ilang araw ito ay dahil sasagutin na pala niya ang lahat.
Balikan natin ang sinabi naming kuripot si Luis na totoo naman, pero pagdating sa mga nangangailangan ng tulong ay bukas palad siya. Sa katunayan, marami na kaming nabalitaang tinulungan niya na hindi na niya ibinabandera pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.