Movie Review: “The Super Parental Guardians” nina Vice at Coco riot sa katatawanan
KAHAPON ay sinimulan ang pagpapalabas ng pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin sa mga sinehan matapos namang hindi piliin sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at dahil dito naging maagang Pamasko ito para sa mga Pinoy.
Sobrang riot ng pelikula nina Vice na gumaganap bilang Arci at si Coco bilang Paco at talagang sasakit ang tiyan ng lahat sa kakatawa dahil sa natural na pagpapatawa ng mga bida, isama pa sina Awra at Onyok at Benny, na pawang mga popular na karakter sa numero unong teleseryeng Probinsiyano ni Coco.
Punuan ang mga sinehan na aakalain mong umpisa na ng MMFF.
Hindi kaya nagsisisi ang mga hurado na pumili ng mga pelikulang isinali sa MMFF dahil naging pabor pa ang nangyari para kina Vice?
Bad boy image ang role rito ni Coco, bagamat nasanay na ang lahat sa kanyang karakter sa Probinsiyano bilang SPO2 Cardo Dalisay, na siyang nagpapatupad ng batas.
Napakaepektibo ni Coco sa kanyang role na miyembro ng gang, na taliwas sa kanyang ginampanan sa kanilang “Beauty and the Bestie” nila ni Vice sa nakaraang MMFF.
Napakalight ng pelikula na akmang-akma para sa mga Pinoy na nais lamang tumawa ngayong kapaskuhan.
May mga bayolenteng eksena ang pelikula kahat Parental Guidance (PG) ang rating na ibinigay ng MTRCB kayat tama lamang na may kasamang mga magulang ang mga batang manonood.
Napakagaling din ng batang si Awra, na introducing sa pelikula.
May mga eksenang si Awra sa pelikula na buwis-buhay, bagamat nagawa naman niya ito ng maayos at talagang walang tigil sa kakatawa ang mga nanonood dahil sa kanyang mga eksena.
Bagamat may mga eksena na masasabi kong hindi dapat tularan gaya na lamang ng nasaksak ang karakter ni Matet de Leon na ginawa pang katatawanan kahit agaw-buhay na ito.
Sa kabila naman nito, naihatid ng pelikula ang layunin nitong mapatawa ng husto ang mga manonood na kinakailangan ng marami sa harap naman ng nangyayari sa bansa.
Talagang gagaan ang pakiramdam ng mga manonood sa kanilang paglabas mula sa mga sinehan.
Hindi ko na ikukwento ang pelikula para panoorin ninyo.
Sa iskor na isa hanggang 10, kung saan 10 ang pinakamataas, bibigyan ko ang “The Super Parental Guardians” ng iskor na 9 dahil sa tuwa at saya na ibinigay nila sa manonood.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.