Jose sa pang-iisnab sa 'Enteng': Dugo't pawis ang ipinuhunan namin, tapos ito ang ending!? | Bandera

Jose sa pang-iisnab sa ‘Enteng’: Dugo’t pawis ang ipinuhunan namin, tapos ito ang ending!?

Reggee Bonoan - November 29, 2016 - 12:20 AM

jose manalo

SA NAKARAANG grand presscon ng pelikula “Enteng Kabisote 10 And The Abangers” ay hindi rin napigilan ni Jose Manalo na maglabas ng hinaing sa naging desisyon ng Metro Manila Film Festival 2016 screening committee.

Tulad ng bida sa pelikula na si Vic Sotto, na-disappoint at nalungkot din si Jose sa pang-iisnab ng MMFF organizers sa kanilang pelikula na itinuturing nilang bonggang regalo sa mga bata ngayong Pasko.

“Medyo nabigla rin kaming lahat. Nag-usap nga kami ni Bossing na bakit naging ganu’n ang desisyon. E, wala na tayong magagawa, iyon ang gusto ng (screening) committee.

“Sabi nga ni Bossing, iyon ang panlasa nila. So, talagang pareho kami ng pinag-uusapan. Kaya lang, ang iniisip namin, sana panoorin din ng mga bata at makapunta rin sila. Kasi alam mo naman, tuwing Pasko lang sila kadalasan nagkakaroon ng sariling pera, di ba?” pahayag ni Jose.

Dagdag pa ng TV host-comedian, “Naging tradisyon na natin iyon, e. Sabi ko nga, ako nalulungkot ako, e. Noong minsan, gumawa si Bossing ng movie na wala ako ng Christmas, sumama pa rin ako sa parada. So, naging panata na namin iyon.”

Naikuwento rin ng komedyante na malaki ang hirap na pinagdaanan nila para umabot sa deadline ng MMFF ang “EK10”, na isa sa mga ginawang pagbabago ng komite sa umiiral na mga regulasyon. Dugo’t pawis daw ang ipinuhunan nila sa nasabing proyekto.

“Yung hinabol namin yung submission, talagang puyat-puyat kaming lahat. Umaga pa lang, nakaganito na kami (costume).

“Inaabot kami ng 4 a.m., o 5 ng madaling-araw na walang tanggalan nito (costume). Tapos, from Eat Bulaga, naka-lola pa kami, takbo ng shooting.

“So, pagod at hirap yung pinuhunan namin nina Bossing. Lalo na si Bossing, minsan naiiwan pa iyan. Tapos, editing, dubbing.

“Tapos, eto yung ending. So, talagang nagulat kami. Kung may karapatang sumama ang loob, siguro meron kahit konti. Pero sa desisyon, wala kaming magagawa, sila ang masusunod,” sabi pa ni Jose.

Gumaan lang daw ang pakiramdam ng buong cast ng “Enteng Kabisote 10” nang makabasa sila ng mga komento sa social media na nagtatanong kung bakit hindi napasama ang pelikula nila gayung taun-taon ay ito ang inaabangan ng lahat, lalo na ng mga bata.

“Nakakatuwa dahil nakita namin maraming concerned din sa amin, marami rin ang nakikiisa sa amin.

“Yung ibang tao, lalo na ‘yung wala naman masyadong kaya sa buhay, hindi naman palanood ng sine iyan e, tuwing Pasko lang sila nanonood. Pero this year, mapapaaga lang yung Pamasko nila.

“Sana magkita-kita rin kami sa mga sinehan, dahil alam ko mag-iikot-ikot din kami sa mga sinehan,” nakangiting sabi ng komedyante.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bukas na (Nob. 30) mapapanood ang “Enteng Kabisote 10 And The Abangers” sa mga sinehan nationwide mula sa direksyon nina Marlon Rivera at Tony Reyes produced by Octoarts Films, MZet Film at APT Entertainment.

Makakasama rin dito sina Paolo Ballesteros, Wally Bayola, Ryza Cenon, Ryzza Mae Dizon, Bea Binene, Aiza Seguerra, Oyo Sotto, at marami pang iba.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending