Jake nalasing sa Star Magic Ball kaya hinila na palabas ng venue
MARIING itinanggi ni Jake Cuenca na may nakaaway siya sa nakaraang Star Magic Ball noong Sabado nang gabi.
Ayon sa balita habang nagsasalita raw si Jericho Rosales on stage ay lasing na lasing ang aktor at nagwawala kaya inawat na siya ng kanyang handler.
Inakala ng lahat na hindi nagustuhan ni Jake ang pagbibigay kay Echo ng Star Magic Icon award that night dahil dapat daw siya ang tumanggap nito.
Ang paliwanag ni Jake nang makachikahan namin at ng ilang katoto pagkatapos ng announcement/presscon ng bagong seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin, “Hindi. Kaya nagkaroon ng commotion kasi lasing ako, daldal na ako nang daldal most probably kung anu-anong sinasabi ko kaya inaawat ako ng handler ko, hinihila na akong palabas, tapos inakyat na nila ako sa kuwarto ko, hayun, tulog daw ako agad-agad pagkabagsak ko sa kama ko.”
Tinanong namin kung bakit siya naglasing, “Si Paulo (Avelino) kasi, sabi niya agahan daw naming uminom, e, hayan, naparami, nalasing kami. Minsan lang naman sa isang taon, sa mga ganitong okasyon lang kasi puro naman kami work,” ani Jake.
Nahuli rin daw silang magka-holding hands ni Ellen Adarna nu’ng gabi ng Ball, “Ay wala ‘yun, aysus! Magkaibigan kami ni Ellen, sobra. Kung may babaeng Jake Cuenca pagdating sa inuman, si Ellen ‘yun.”
Single but not ready to mingle ang sitwasyon ngayon ni Jake dahil kakahiwalay lang nila ng girlfriend niyang si Sara Grace Kelley at focus muna siya sa trabaho lalo’t magiging busy na siya dahil magsisimula na silang mag-taping para sa Ikaw Lang Ang Iibigin, ang reunion serye nina Gerald Anderson at Kim Chiu mula sa Dreamscape Entertainment.
Bukod kina Jake, Gerald at Kim, makakasama rin sa Ikaw Lang Ang Iibigin sina Ms. Helen Gamboa-Sotto, Nicco Manalo, Coleen Garcia, Bing Loyzaga, at iba pa, mula sa direksyon ni Dan Villegas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.