Komedyanang ‘no bf since birth’ inggit sa mga kaibigang may dyowa
KASAMA ang magaling na komedyanang si Alora Sasam sa pelikulang “My Rebound Girl” nina Joseph Marco at Alex Gonzaga under Regal Entertainment. Ito’y sa ilalim ng direksiyon ng baguhan sa mainstream na si Emmanuel dela Cruz.
Busy as a bee si Alora kaya siguro wala pa siyang nagiging boyfriend since birth.
Kasi naman simula nu’ng nag-umpisa siya sa showbiz ay kaliwa’t kanan na ang naging project niya tulad ng “The Bride and the Lover” (2013) nina Lovi Poe, Paulo Avelino at Jennylyn Mercado; Regal Shocker TV series (2012); “Dilim” nina Rayver Cruz at Kylie Padilla (2014) na pawang produced ng Regal Films.
Napasama rin siya sa pelikulang “Ekstra” ni Rep. Vilma Santos-Recto (2013) at “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo” ng Star Cinema (2013).
Mabenta rin si Alora sa telebisyon dahil napasama siya sa Wansapanataym simula 2013-2016; Luv U from 2013 to 2016; Ipaglaban Mo at Mirabella noong 2014 at Maalaala Mo Kaya nitong taon.
Huling pelikulang nagawa niya ay ang “Pamilya Ordinaryo” na nakasama sa Cinemalaya 2016.
Hindi man bida si Alora sa mga nagawa niyang proyekto ay okay lang daw dahil naniniwala siyang darating din ang tamang panahon para sa kanya. Pero bago mangyari iyon ay sana magkaroon na siya ng boyfriend
Kuwento ni Alora sa presscon ng “My Rebound Girl”, “No boyfriend po talaga since birth, kahit nga ma-rebound man lang wala talaga.”
May inggit bang nararamdaman si Alora sa mga kaibigan niya na may mga dyowa na, “Naku, sa Facebook palang, sila (mga kaibigan), nakakatatlong anak na, at ‘yung iba may nagpa-ultra sound pa, ako ni first kiss wala pa.
“May inggit pero sa totoo lang, hindi pa priority talaga. Ha-hahaha! ganu’n na lang nasabi ko ‘no? Walang choice, eh. Mahirap maging babae kasi naghihintay ka (ng manliligaw) lalo na sa culture natin.
“Kung naging lalaki ako, matagal na ako sigurong may dyowa. Kaya ang hirap talaga, kasi ‘yung mga nagugustuhan ko, walang gusto (sa akin), alam mo ‘yun?” sabi ng komedyana.
Bakit hindi na lang siya ang magparamdam sa nagugustuhan niya? “Na-try ko naman sa crush ko, dinadaan ko sa FB, pini-PM (private message) ko. Pero mga two days na siyang online, seen-zone pa rin ako. Ha-hahaha! Medyo may pride naman ako kaya tama na ‘yung ‘hi’ muna,” say ng dalaga.
Naniniwala si Alora na magkakaroon din siya ng boyfriend tulad ng peg niyang si Pokwang, “Meron tayong Mamang Pokie na idol ko rin, kasi nakahanap na si mamang, sana makahanap din ako.
“Ang sabi nila, baka raw foreigner ang bagay sa akin, medyo choosy ang Pinoy (guys). Kaso nandito ang trabaho, hindi naman ako makapag-travel kaya ipon muna, tapos travel saka lovelife, charing!” sabi ng dalaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.