TINUPAD ni direk Mike Tuviera ang pangako niya sa fans nina Alden Richards at Maine Mendoza na manonood ng “Imagine You And Me”.
Certified blockbuster na nga ang first solo launching movie ng AlDub dahil sa lakas nito sa takilya noong opening day, balitang umabot sa P24 million ang kinita nito noong opening day at patuloy pa ring pinipilahan ngayon.
Napanood na namin ang “Imagine You And Me” sa ginanap na premiere night nito nitong nagdaang Martes ng gabi. Grabe! As in grabe ang dami ng taong sumugod sa SM Megamall cinema nu’ng gabing ‘yun, kaya naman todo rin ang seguridad na ibinigay ng management sa lugar para maiwasan ang stampede.
Naawa lang kami sa ilang senior citizen at mga bata dahil talagang naipit-ipit din sila nang dumating na sa venue ang magka-loveteam dahil medyo nagkagulo na ang fans.
In fairness, nag-enjoy din kami sa kuwento ng “Imagine You And Me”, hindi kasi kami nag-expect nang bonggang-bongga sa pelikula dahil inisip namin na baka extension lang ito ng kalyeserye nila sa Eat Bulaga. Pero nagkamali kami, ibang-iba ang tema ng pelikula at nabigyan naman ng justice nina Alden at Maine ang kanilang mga karakter sa kuwento bilang sina Gara at Andrew na natagpuan ang kanilang “forever” sa Italy.
Sa ganda pa lang ng mga lugar sa Italya kung saan kinunan ang halos kabuuan ng pelikula ay sulit na sulit na ang ibabayad n’yo sa sinehan, idagdag pa ang simple ngunit mapusong kuwento nito at ang nakakakilig na mga eksena ng AlDub.
Natural na natural ang akting nina Maine at Alden, lalo na sa mga moments na nag-aasaran sila, pati na ‘yung eksenang nasa loob sila ng kotse habang nagda-dubsmash si Maine. Winner na winner din doon ang agaw-eksenang kanta ni April “Boy” Regino na “Di Ko Kayang Tanggapin”.
Napakagaling din ni Alden sa ilang mabibigat niyang eksena, lalo na ‘yung nagkrus na uli ang landas nila ng kanyang ex-girlfriend (Jasmine Curtis) matapos itong tumanggi sa kanyang marriage proposal at hindi na nagpakita pa.
Pero siyempre, hindi rin nagpahuli si Maine sa kanyang drama moments lalo na nu’ng kailangan na niyang iwan si Alden para mabigyan ito ng chance na makipagbalikan kay Jasmine. Palakpakan ang audience sa heavy scenes ni Maine.
Tawang-tawa naman kami sa mga hirit nina Kakai Bautista at Cai Cortez na gumaganap bilang mga kaibigan ni Maine. Sila ang nagbigay komedya sa pelikula, lalo na roon sa “inuman” at “videoke” session nila kung saan nalasing si Alden at nag-iiyak at biglang yumakap kay Maine.
Sigurado rin kami na hindi iba-bash ng AlDub fans si Jasmine bilang ex-GF ni Alden sa kuwento, in fact, marami pa nga ang naiyak sa confrontation scene nila ni Alden matapos aminin ng dalaga na meron siyang leukemia at may taning na ang buhay at maging maligaya na lang sa piling ni Maine.
May kurot din sa puso ang karakter ng award-winning character actress na si Irma Adlawan as the stepmother of Alden at isa sa mga Pinoy na pinaglilingkuran ni Maine bilang OFW sa Italy.
Wala ring boring moment ang pelikula, kahit nga may ilang eksena kung saan puro ang magagandang lugar lang sa Italy ang ipinapakita ay agaw-pansin din sa mga manonood. As in napapa-wow talaga ang audience sa ganda ng Italy.
At siyempre, saving the best for last, sure na sure kaming maliligayahan ang buong AlDub Nation sa ending ng “Imagine You And Me”, talagang tinupad ni direk Mike ang promise niya sa mga fans na bibigyan niya ito ng big surprise sa huling eksena sa pelikula.
By this time, marami nang nakakaalam kung ano ang ending ng “Imagine You And Me” pero hindi pa rin namin sasabihin para naman sa kapakanan ng mga hindi pa nakakapanood. Basta ang masasabi lang namin, nangangamoy Box-Office King & Queen na para sa phenomenal loveteam ng kanilang henerasyon.
Siyanga pala, Graded B ang ibinigay ng Cinema Evaluation Board sa movie ng APT, GMA at MZet Films. – EAS
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.