John Lloyd sa ‘Honor Thy Father’: First time ko pong ginawa ito sa buhay ko!!!
NGAYON alam na namin kung bakit kinailangang magpakalbo ni John Lloyd Cruz sa pelikulang “Honor Thy Father” na idinirek ni Erik Matti at isa sa official entries sa darating na 2015 Metro Manila Film Festival.
Isa kami sa masuswerteng nabigyan ng chance na mapanood ang nasabing pelikula sa ginanap na special screening nito sa opening ng Cinema One Originals 2015 Film Festival noong Linggo sa Trinoma cinema 7.
Siyempre, present dito sina direk Erik at Lloydie, kasama ang iba pang members ng cast tulad nina Meryll Soriano, Perla Bautista, Yayo Aguila, William Martinez, Boom Labrasca, Khalil Ramos at marami pang iba.
As expected, hindi binigo ni John Lloyd ang audience sa ipinakita niyang akting sa “Honor Thy Father”, ilang beses kaming pumalakpak sa mga natatanging eksena sa movie, lalo na sa ending kung saan may namatay nga na isa sa mga pangunahing karakter sa istorya.
Totoo ang mga naging rebelasyon ni John Lloyd nang mainterbyu siya ng press bago magsimula ang pelikula, ibang-iba ito sa mga nakasanayan nating proyekto ng Box-office King.
At literal na dugo at pawis ang ipinuhunan nila sa pelikulang ito dahil sa mga mahihirap na eksenang ipinagawa sa kanila ni direk Erik Matti, lalo na roon sa tunnel scene kung saan kinailangan nilang lumusong sa marumi, mabaho at maputik na poso-negro.
Sa kuwento, gumaganap si John Lloyd bilang si Edgar, ang mister ng karakter ni Meryll na nasangkot sa isang quick-rich scheme. Dahil dito, nalagay sa peligro ang buhay nilang mag-asawa pati na rin ang kanilang anak na si Angel (Krystal Brimner) na siya ngang dahilan kung bakit nagpakalbo ang aktor.
Medyo bayolente ang pelikula at punumpuno ng murahan, pero kailangan ‘yun sa mga eksena para maipakita at maiparamdam ni John Lloyd ang kanyang galit sa nangyari sa kanyang pamilya.
Bukod sa superb akting na ipinakita ni Lloydie sa movie, magaling din ang lahat ng members ng cast, lalo na si Meryll na kahit wala nang ginagawa sa bandang ending ng movie ay umaakting pa rin! Kaloka!
At siyempre, gusto rin naming palakpakan ang performance ni Tirso Cruz III na gumaganap na isang “obispo” sa isang sekta na relihiyon.
Bago magsimula ang screening, nakausap muna ng press si John Lloyd at natanong kung ano ang feeling ngayong mapapanood na ng madlang pipol ang “Honor Thy Father”, “Exciting kasi parang tine-test mo yung audience.
For sure it’s not gonna be your typical MMFF film pero since may clamor naman for alternative cinema, baka magandang pagkakataon ito.” Inamin naman ng aktor na kinakabahan siya ngayong pasok na sa MMFF 2015 ang kanilang movie.
Sa tingin ba niya, handa na ang mga Pinoy moviegoers sa ganitong tema ng pelikula sa filmfest? “Sabi ko nga since marami tayong naririnig especially sa mga netizens sa atin na laging naghahanap ng iba,
bago naman daw, so siguro ito yung magandang sagot. Kung talaga naghahanap kayo ng iba, you might wanna watch this film.” “Career move I don’t know, gusto ko lang namang gumawa ng pelikula, maging parte ng sine at ng sining na ito so pag nagkakaroon ng pagkakataon na maimbitahan ka, maging parte ng isang pelikula na kagaya nito, yun lang naman ang habol ko,” aniya pa.
Dagdag pa ng aktor, “Well, yeah first time ko rin yung ginawa sa buhay ko but maghirap siguro yung pagbabago na hinarap ko especially sa simula ng filming namin.
Siyempre iba yung theme, first time namin ni Direk Erik so yung adjustment period nu’ng simula ang medyo mahirap but nu’ng nag-rolyo na kami, nag tuloy-tuloy na.”
Hirit pa ni JLC, “Actually gusto kong malaman kung handa sila. At the end of the day it’s just cinema and I happened to be an actor. San ba ako lalabas kundi sa sine so sana magustuhan nila pero kung hindi man, it’s just a story we wanted to tell.
Di ko masasabi na magugustuhan nila o hindi, sa akin that’s not the point at all.” Tuwang-tuwa naman sina JLC at direk Erik, pati na ang buong cast at production ng “Honor Thy Father” dahil puro papuri ang ibinigy sa kanila ng nakapanood dito.
Nagpasalamat pa si Lloydie sa Cinema One Originals 2015 filmfest dahil ang movie nila ang napili para maging opening film ng event.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.