NAKAPAGTATAKA pero totoo: Ang arnis, isang katutubong martial art, ay tanyag na tanyag sa ibang bansa nguni’t kakaunti lang ang nakakakilala rito sa Pilipinas.
Ang arnis ay kilala rin sa pangalang eskrima at kali.
Ang arnis ay isang martial art na gumagamit ng sticks o pamalo.
Lokong-loko ang mga tao sa America at Europa sa arnis, lalo na sa mga martial arts practitioners.
Tinuturo ang arnis, eskrima o kali sa mga iba’t ibang kapulisan at mga miyembro ng military special operations units gaya ng US Navy Seals at US Army Delta Force.
Kapantay ang arnis sa katanyagan ng karate, jiu jitsu, aikido at kung fu sa America at Europa.
Pero rito sa Pilipinas parang hindi kilala ang arnis.
Noong Linggo, may paligsahan sa arnis na ginanap sa Quezon City Memorial Circle sa Diliman, Quezon City na ang nagpalaro ay ang Pacindo Arnis-Eskrima Club.
Kakaunti lang ang sumali sa arnis competition.
Wala akong nakitang pulis sa mga participants.
Ang Republic Act 9850, na isang batas na nagpapalawak ng arnis bilang national martial art at sport, ay hindi nagpatanyag ng arnis.
Ang RA 9850 o Arnis Law ay akda ng dating Senador Miguel Zubiri.
Si Migz ay isang arnis practitioner na naging champion makailang beses sa mga international arnis competitions.
Sa ilalim ng Zubiri Law, inaatasan ang Department of Education, National Commission for Culture and Sports, at Philippine Sports Commission na i-promote ang arnis bilang national sport.
Parang naging dead letter o walang silbi ang Arnis Law.
Isa sa mga dagdag na kaalaman sa mga nagpapraktis ng arnis o eskrima ay ang knife-fighting.
Lahat ng arnis experts ay magaling sa paghawak ng kutsilyo bilang sandata.
Ang arnis practitioner ay tinuturuan din ng pag-agaw ng patalim na hawak ng kalaban.
Kahit na walang hawak na pamalo, ang isang arnisador ay nakakatakot na kalaban.
Ang isang arnisador ay kayang makipagtunggali sa mga maraming armadong kaaway.
Dapat ay ituro ang arnis o eskrima sa ating kapulisan.
Ang pulis na Pinoy ay madaling gumamit ng kanyang baril kahit hindi ito kailangan.
Hindi kasi siya bihasa sa paggamit ng batuta o pamalo.
Ang batuta ay bahagi sa uniform ng mga pulis sa ibang bansa pero hindi rito sa ating bansa.
Noong dekada 50 at 60, ang mga pulis natin ay binibigyan ng batuta, kasama ang pistola, bilang armas.
Dahil nagdadala sila ng batuta, maaaring bihasa sila sa arnis na itinuro sa kanila marahil sa police academy.
Nang mga panahong yun, ang mga taong naglabag ng batas na ayaw sumama sa mga pulis ay ginagamitan ng batuta.
Hindi basta-bastang bumubunot ng pistola ang mga pulis kapag kaharap nila ay isang law offender na hindi armado.
Binabambo nila sa tuhod o sa ibang maseselang na parte ng katawan ang mga crime suspects na ayaw sumama sa kanila sa presinto.
Pero ngayon ay binabaril ng mga pulis ang isang law offender, gaya ng magulong lasing, kahit na ito’y labag sa batas.
Paano hindi sila marunong sa arnis o unarmed combat gaya ng jiu jitsu o aikido.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.