Si Partylist Cong busy sa manok, sports car
TOTOONG ang mga Partylist Representatives ay kumakatawan sa mga tinatawag na “marginalized groups” sa ating lipunan pero hindi ito nangangahulugan na sila ay pawang mga “underprivileged.”
Ibahin n’yo ang isang partylist group representative na ating subject ngayong araw na ito dahil daig pa nitong si Asiong Aksaya kung magtapon ng pera.
Ayon sa ating Cricket, daang libo hanggang milyong piso ang handang ipusta ng ating bidang kongresista sa kanyang mga de-kalibreng panabong na manok.
Laging laman ng mga malalaki at international derby ang ating mambabatas na minsan ay dahilan kung bakit absent sya sa mga plenary session pati na rin sa kanyang opisina.
Hindi basta-basta ang mga imported na fighting cocks ni Cong dahil nakalagay ang mga ito sa mga airconditioned rooms at may mga “yaya” pa para matiyak na sapat ang kanilang mga pagkain at bitamina.
Isa rin sa libangan ni Cong ang mangolekta ng mga mamahaling sports car na kanyang ibinabandera sa mga kaibigan tuwing weekends.
Sinabi ng ating Cricket na mayroong Maserati Gran Turismo ang ating bida na nagkakahalaga ng mahigit sa P9 milyon.
Huwag muna kayong malula sa presyo nang kotseng iyon dahil meron din siyang kulay red na Ferrari sports car na halos ay P20 milyon ang halaga.
Pero ang kanyang everyday car ay isang two-door Mercedes Benz na sports car din.
Hindi nakapagtatakang kayang bumili ng ganoong uri ng mga sasakyan si Cong dahil madalas na makatsamba sa sabong ang kanyang mga mamahaling manok bukod pa sa mga negosyo ng kanyang pamilya.
Walang masama na kumita pero napapabayaan na umano niya ang kanyang tungkulin na kinatawan ng sektor na kanyang napiling bigyan ng representation sa lower house.
Hindi niya maasikaso ang kapakanan ng kanyang mga “constituents” na unti-unti nang nawawalan ng mga sariling lupain lalo na sa mga lalawigan.
Ang Partylist Representative na ating tinutukoy ay si Cong. P.J as in Pampasaherong Jeepney.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.