Isang bata ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan nang mahagip ng isa sa mga sasakyang nagkarambola habang naglalakad patungo sa kanilang eskuwelahan sa Lipa City, Batangas, kamakalawa (Martes), ayon sa pulisya.
Isinugod ang mga bata sa Mary Mediatrix Medical Center pero doo’y binawian ng buhay ang 10-anyos na si Crisanta Besmonte, sabi ni Senior Superintendent Omega Jireh Fidel, direktor ng Batangas provincial police.
Patuloy na inoobserbahan sa naturang ospital sina Bryan Besmonte, 8; Geean Amparo, 8; at Mary Claire Amparo, 8.
Naganap ang insidente pasado alas-6 ng umaga sa bahagi ng National Road na malapit sa barangay hall ng Brgy. Tambo.
Sangkot sa insidente ang isang Isuzu Hi-Lander (VCN-831), Toyota Hi-Ace van (XJK-766), jeepney (DWG-258), Hyundai Tucson sports utility vehicle (VFC-369), at Isuzu cargo truck (WNP-233).
Magkakasunod na tinatahak ng mga naturang sasakyan ang direksyon patungong Lipa City proper pero pagdating sa may barangay hall ay bigla na lang umano nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng cargo truck na si Marlon Joseph Cantos.
Dahil doo’y nabundol ng trak ang iba pang sasakyan at dahil sa malakas na impact ay naitulak ang jeepney na dala ni Jose Zaragoza sa road shoulder, kung saan nito nahagip ang mga batang naglalakad putongo sa kanilang paaralan.
Nagtuluy-tuloy ang jeep hanggang sa sumalpok sa isang poste ng kuryente, habang ang trak ay tumigil sa tapat ng isang convenience store.
Nasa kostudiya na ng lokal na pulisya ang driver ng trak para sa pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries, and damage to property.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.