Ni Liza Soriano
MAKARAANG magpasagasa sa Light Rail Transit ang isang babae noong isang linggo, pababasbasan na ang mga tren nito dahil sa pangamba na may dala itong mga negatibong enerhiya.
Nais ng pamunuan ng LRT Administration na isagawa ang pagpapabasbas sa mga tren at mga linya nito matapos ang naganap na pagpapakamatay ng isang babae na may tumor sa mukha noong isang linggo sa Edsa station sa Pasay City dahilan para magambala ang operasyon nito ng ilang oras.
Bukod sa Line 1 at Line 2 ng LRT, sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA na plano rin ng Metro Rail Transit na pabasbasan ang kanilang mga tren at linya upang maalis ang anumang negatibong enerhiya na nagtutulak sa ilang indibidwal para doon isagawa ang kanilang pagpapatiwakal.
Sinabi ni Cabrera na mistulang nagiging intensiyon na ng ilang mga taong desperado na sa buhay ang magpasagasa sa tren tulad ng ginawa ng 52-anyos na si Lucy Aroma na bigla na lamang tumalon sa riles habang paparating ang tren.
Hindi lamang minsan nangyari ang pagkakaroon ng aberya sa biyahe ng LRT dahil sa ilang insidente ng pagpapakamatay at tangkang pagpapakamatay.
May insidente na rin na may nailigtas ang mga security personnel na nagtangkang doon mag-suicide.
Kaugnay nito’y ipinasiya naman ng pamunuan ng LRTA na huwag munang papasukin ang train operator na si Anthony Gunay upang makahulagpos anya sa sinapit na trauma nang magpasagasa sa minamaneho niyang tren si Aroma.
Tiniyak din ng LRTA na susuportahan at ipagtatanggol nila si Gunay sa kasong reckless imprudence resulting in homicide na isinampa laban dito ng pulisya dahil naniniwala silang wala itong kasalanan sa nangyari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.