Gov. Vilma inutusan ng CoA: P45.35M bonus ibinigay sa empleyado ibalik
IPINABABALIK ng Commission on Audit sa mga opisyal at empleyado ng Batangas provincial government ang sobra umanong P45.35 milyong bonus na natanggap ng mga ito noong nakaraang taon. Ayon sa COA labag sa COA Circular No. 2013-003 ang pagbibigay ng bonus na hindi kasali sa Salary Standardization Law (RA 6758). “Verification of the allowances, incentives and other benefits for which government employees are entitled to revealed that additional year-end bonus is not included. Hence, payment of additional year-end bonus to all officials and employees is irregular, resulting in audit disallowances of P45,352,843.82,” saad ng COA. Inutusan ng COA si Batangas Gov. Vilma Santos na gumawa ng mga hakbang upang maibalik ng mga opisyal at empleyado ang labis na bonus na kanilang natanggap. Ang yearend bonus ay labis umano dahil natanggap na ng mga empleyado ang mid-year bonus noong Mayo 2014 at ang 13th month pay noong Nobyembre 2014. Ang mga elected at appointed officials ay natanggap ng bonus na kasinghalaga ng kanilang isang buwang sahod, ang mga empleyado naman na kumikita ng P15,000 pababa kada buwan ay nakatanggap ng P15,000 at ang mga casual employees ay P10,000. Sinabi ng COA na hindi sapat ang inaprubahang Resolution 458 ng Sangguniang Panlalawigan noong Disyembre 3, 2014 para mabigyan ng katwiran ang bonus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.