Marikina, Taguig bets naka-gold sa Batang Pinoy Luzon elims
MAAGANG nagpasikat si Lierence Sayenga ng Marikina at Gianelli Gatinga ng Taguig nang nakuha nila ang mga gintong medalya sa pagsisimula ng athletics sa 2015 Batang Pinoy Luzon Elimination kahapon sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, Bulacan.
Ang 15-anyos na tubong Concepcion na si Sayenga, na noong 2012 edisyon ay nanalo ng tatlong ginto sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), ay naalpasan ang 1.65m bar para manalo kina John Christian Crescencia ng Urdaneta at Michael Cuarteron ng Pangasinan na may 1.60m at 1.55m sa boys’ high jump.
Nagbabadya rin ang multi-gold medalist sa Batang Pinoy at Palarong Pambansa na si Gatinga nang manaig sa paboritong long jump sa 5.02m marka. Pumangalawa si Yhoney Alonan ng One Cainta (4.96m) at Sairah de Vera ng Pangasinan (4.80m).
Kampeon naman si Elmart Villanueva ng Laguna sa boys’ shotput sa 10.69m marka. Ang tubong Baguio na si Clarence Alvar ang pumangalawa (10.02m) habang si Fernan Salenga ng Olongapo ang pumangatlo (9.96m).
Dinagsa ang limang araw na kompetisyon ng mga partisipante na kung saan ang mangungunang tatlong manlalaro o koponan ay papasok sa National Finals sa Cebu City sa Disyembre.
Record participants na 4,611 ang nagpatala na at inaasahang tataas pa dahil marami ang humahabol para makita ang husay sa 24 sports na pinaglalabanan.
Sa opening ceremony noong Biyernes ng hapon, nagpasalamat si Governor Willy Sy-Alvarado sa pagkakataon na ibinigay upang makapag-host ng Batang Pinoy dahil nangangarap siya na sa hinaharap ay makapagdaos din ang Malolos ng Palarong Pambansa.
Dumalo rin sa pagbubukas si Vice Governor Daniel Fernando habang sina PSC commissioner at Batang Pinoy in-charge Jolly Gomez ay sinamahan nina Commissioners Akiko Thomson-Guevarra, Salvador Andrada at PSC executive director Atty. Guillermo Iroy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.