AKO po si Antonio Mata ng Dasmarinas City ay lumiham sa inyong Aksyon Line upang hingin ang inyong tulong sa problema ng aking anak na lalaki na sa Joey C. Mata, edad 38.
Si Joey po ay natapos ng pagkapastor sa born again Christian, ngunit siya po ay nakapagturo sa isang private school, ang Brimstone Academy dito sa Brgy. San Simon Dasmarinas City ng mga subject na history at Christian values sa loob ng 10 taon.
Ngayon po si Joey ay nawalan na ng trabaho dahil po malabong ma-labo na ang kanyang paningin.
Hindi na po siya makalakad na walang alalay. Hindi na rin si Joey makasulat o makapagbasa. Kaya sa tingin ko wala na siyang pag-asa.
Kaya ma’am minabuti ko na ilapit itong problema ni Joey sa iyo upang madala sa atensyon ng ECC dahil si Joey po kinaltasan ng monthly SSS contribution ngunit ng aming iverify sa SSS ni isa walang iniremit sa mga kinaltas sa kanya. Ang masakit po bankrupt at sarado na itong nabangggit na Brimstone Academy kaya wala na kaming mahabol pa. Nasa amin po ang resibo na kinaltas sa sweldo ni
Joey.
Salamat.
Guamagalang po,
Antonio R. Mata
REPLY: Ito ay bilang tugon ng Social Security System (SSS) kaugnay sa katanu-ngan ni Ginoong Antonio Mata sa problema ng kanyang anak na si Joey Mata.
Nauna nang nagbigay ng kasagutan ang Employees Compensation Commission (ECC) sa problema ni G. Mata.
Kaugnay ng suliranin ng anak ni G. Joey Mata sa kanyang SSS contributions na di-umano’y hindi ini-remit ng kanyang dating employer, mangyari po na maghain ng pormal na reklamo ng “non-remittance of contributions” ang kanyang anak laban sa Brimstone Academy sa SSS Dasmarinas Branch.
Sa sitwasyon ng kanyang anak, kung saan nagsara na ang nabanggit na paaralan, hahabulin ng SSS ang mismong may-ari ng Brimstone Academy sa oras na makitaan ito ng paglabag.
Ang proseso ng mga kaso ng non-remittance o di-paghuhulog ng SSS contributions ay nagsisimula sa pagsasampa ng reklamo sa SSS branch na nakakasakop sa inirereklamong employer. Mayroong nakatalagang account officer na siyang mag-iimbestiga ng kanilang SSS compliance at kung may paglabag, makatatanggap sila ng billing statement mula sa SSS na naglalaman ng kabuuang halaga ng mga bayarin para sa kontribus-yon ng kanilang mga empleyado.
Sa oras na hindi ito inaksyunan ng employer, magpapadala ang SSS ng demand letter na nagtatakda ng araw para sila ay makapagbayad ng kanilang mga obligasyon sa SSS.
Kung sa kabila nito ay wala pa ring tugon ang employer, sasampahan sila ng SSS ng kasong sibil at kriminal sa korte. Para sa inyong kaalaman, ang sinumang nagkaltas at hindi nag-remit ng SSS contributions ay nahaharap rin sa kasong estafa sa ilalaim ng Revised Penal Code.
Kung mapapatunayang nagkasala, ang akusadong employer ay nahaharap sa anim haggang 12 taong pagkakakulong at multa na P5,000 hanggang P20,000.
Kaugnay nito, pinapayuhan namin ang anak ni G. Mata na magsadya kaagad sa SSS Dasmarinas Branch at dalhin ang alinman sa mga sumusunod: certificate of employment, employee ED, payslips, o iba pang katibayan ng pagiging empleyado sa inirereklamong kumpanya/employer.
Maraming salamat po sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security
Officer IV Media Affairs
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.