Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
10 a.m. EAC vs San Beda (jrs)
12 nn. San Sebastian vs Mapua (jrs)
2 p.m. EAC vs San Beda (srs)
4 p.m. San Sebastian vs Mapua (srs)
IKALAWANG sunod na panalo ang balak ng San Beda habang babangon ang host Mapua mula sa pagkatalo sa pagpapatuloy ngayon ng 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon lalaro ang five-time defending champion Red Lions laban sa Emilio Aguinaldo College habang ang Cardinals ay makikipagtunggalian sa San Sebastian dakong alas-4 ng hapon.
Sa mahusay na all-around game ni Arthur dela Cruz na 27 puntos, 17 rebounds at 6 assists at magarang unang laro sa liga ni Donald Tankoua ay dinurog ng tropa ni coach Jamike Jarin ang Mapua, 102-89, sa pagbubukas ng liga noong Hunyo 27.
Hindi nagamit ng Red Lions ang serbisyo nina Ola Adeogun at team captain Baser Amer dahil sa injury pero hindi naging problema ito dahil lahat ng mga ipinasok sa laro ay tumulong sa panalo.
“This team is not all about who is our number one player. It’s all about from number one to 15. Anybody in this team can deliver not just in points but in other aspects of the game,” wika ni Jarin.
Dalawang linggo mawawala si Amer dahil sa shoulder injury pero babalik na si Adeogun para may makapalitan si Tankoua na naghatid ng 18 puntos at 8 rebounds.
Handa naman na ipakita ng Generals ang kanilang bagong puwersa sa pagdiskarte ng bagong coach nito na si Andy de Guzman.
Ang mga foreign players na sina Laminou Hamadou at Mbag Adoum Abba ang magtutulong para bigyan ng lakas ang Generals.
“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya at sana ay sapat ito para manalo sa laro,” wika ni De Guzman.
Sina Josan Nimes at 6-foot-9 import Allwell Oraeme ang mangunguna sa host Mapua para pag-initin ang kampanya sa liga.
Si Nimes ay mayroong 23 puntos sa unang paglalaro matapos lumiban sa huling dalawang seasons habang ang bagitong si Oraeme ay mayroong 13 puntos, 16 rebounds at 4 blocks sa unang laro.
Ipaparada naman ng Stags ang dating pambatong manlalaro na si Rodney Santos para sikaping ibalik ang dating kinang ng Baste.
Sina Bradwyn Guinto, Jon Ortuoste, Michael Calisaan at Ryan Costelo ang mga magbabalik para sa Stags na kailangang doblehin ang ipakikita sa magkabilang dulo ng court dahil sa kakulangan ng malalaking manlalaro.
Samantala, binawi ng NCAA Mancom ang panalong naitala ng La Salle Greenhills sa Letran sa juniors division noong Martes dahil sa maling numero sa uniporme ng tatlong manlalaro.
Sina Jesmar Pedrosa, Alain Madrigal at Ladis Lepalam ay may jersey number na 20, 28 at 27 at ito ay labag sa kautusan na ang mga numero ay mula 4 hanggang 19 lamang base sa FIBA rule.
Umani ang LSGH ng 88-49 panalo pero inirekomenda ni NCAA commissioner Arturo Cristobal na i-forfeit ito bagay na siyang sinunod ng Mancom.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.