HINDI raw dapat mahinto na lang sa pag-alis ni Vice President Jejomar Binay sa Gabinete ang lahat.
Wala man si Binay sa Gabinete, ang kanya namang mga galamay ay nakapwesto pa rin kaya parang wala ring nangyaring pagbabago. Si Binay pa rin ang boss, hindi nga lang direktang nagmamando.
Kaya ang hirit ngayon, dapat umalis na rin ang mga taong inilagay ni Binay sa pwesto. Mukhang may punto naman ito.
Ano pa nga ba naman ang ginagawa ng mga Binay boys sa Gabinete? Kung nasaan ang ulo dapat ay nandoon din ang buntot.
Kung oposisyon na si Binay ay dapat kasama rin niyang tumawid ang kanyang mga kaalyado, hindi ba?
Dapat hiwalay ang puti sa de-kolor.
Tsaka kung naniniwala ang kampo ni Binay na totoo ang “Oplan Nognog,” ano pa ang punto ng hindi niya pagkalas?
Kung may plano ang mga taga-administrasyon laban kay Binay, parang dapat ay alam na ito ni Binay.
Alam niya na bago pa man magsimula ang kampanya ay may batuhan na ng putik.
Sa tagal niya sa pulitika, parang hindi nakakapaniwala na hindi niya ito alam.
Hindi rin naman tayo naniniwala na wala siyang plano na siraan ang kanyang mga posibleng kalaban. Bahagi rin ang ganito marahil ng kanyang taktika.
Noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, marami ang kumakalas nang malapit na ang eleksyon dahil hindi siya popular. Kiss of death ang taguri kay Arroyo noon. Kulang na lang ay sabihin ng kanyang mga kaalyado na tumatakbo na, ‘Mam wag n’yo nalang kaming i-endorso.”
Kaya nga napulbos ang Team Unity senatorial lineup ni GMA noong 2007 elections. Ang mga nanalo ay ang mga kandidato ng oposisyon kung saan napapabilang si PNoy.
Pero iba ang sitwasyon ngayon, mataas pa rin ng popularity rating ni Pangulong Aquino kaya ibang usapan ito. May maitutulong siya sa kanyang kandidato.
Ito malamang ang dahilan kung bakit sinisiraan na ni Binay ng administrasyon. Kung hindi siya ang makikinabang mas mabuting wala na lang.
Iba naman ang tingin ni Binay sa kaso ni Arroyo. Sa kanya ang eleksyon ay bilangan. Kumbaga paramihan ng kaibigan. Demokrasya tayo kaya ang may pinakamaraming bilang ang mananalo.
Kahit na kanino pa manggaling ang boto dagdag itong hakbang papalapit sa Malacanang.
Kung si Binay ang tatanungin, hindi kawalan kung si Arroyo ay susuporta sa kanya. Kung makakaboto ito, isang boto pa rin daw iyon na dagdag sa kanya.
Kaya hindi na nakapagtataka kung mabuo ang Bin-Arroyo para sa 2016 polls kahit pa may mga kaalyado ang Vice President na tumutuligsa kay GMA noon. Kahit na si Binay ay isa sa mga mariing kritiko ni Arroyo noong nasa Malacanang pa ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.