Assistant cameraman ng CNN Philippines pinatay sa Cavite
PATAY ang assistant cameraman ng CNN Philippines matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang papasok sa trabaho sa Imus City, Cavite. Batay sa inisyal na ulat mula sa Cavite Police, maraming beses na pinagbabaril ang biktima na si Jonathan Oldan, 29, sa kanyang ulo ganap na alas-5:15 ng umaga kahapon. Sinabi ni Cavite Police provincial director Senior Superintendent Jonnel Estomo na pinatay si Oldan sa kahabaan ng Bukaneg st. sa Barangay Pinagbuklod. “After the incident, the suspect/s fled to unknown direction together with the weapon used,” sabi ni Estomo. Hindi naman malinaw kung naglakad lamang o sumakay ng sasakyan ang mga suspek nang sila ay tumakas matapos pagbabarilin si Oldan. Idinagdag ni Estomo na tinanong na ng mga pulis ang mga tao malapit sa pinangyarihan ng krimen para makilala ang mga salarin. Nakatalaga si Oldan sa Department of Justice (DOJ) at Korte Suprema. Palaisipan naman para sa mga kasamahan ni Oldan kung bakit siya pinatay. “He’s a single dad, working to support his toddler son,” sabi ng isang kasamahan na tumangging magpakilala. Kung ito ay may kaugnayan sa trabaho, pangatlo na si Oldan na miyembro ng media na pinatay ngayong taon, ika-27 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino at ika-167 simula noong 1986, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.