ISANG tawag mula sa isa sa mga bansa sa Asya ang natanggap ng Bantay OCW.
Umiiyak ang nasa kabilang linya. Nagpakilala siya ngunit nakiusap na itago na lamang ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan.
Tatawagin ko na lang siyang si Nida.
Ayon kay Nida, matagal na siyang nakikinig sa Bantay OCW. Alam daw niya na napakarami nang natulungan ng Bantay OCW.
Sa katunayan ay dalawa sa mga kapatid niya ang nasaklolohan namin noon nang nagkaroon sila ng problema sa kanilang mga trabaho sa abroad.
Matagal na siyang domestic worker. Wala pa ring asawa hanggang ngayon dahil inobliga siya ng mga magulang na akuin ang responsibilidad ng mga ito sa pagtataguyod ng pamilya.
Nasa probinsya ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Puro bisyo ang tatay niya at walang trabaho. Ang nanay naman niya ay busy din sa kanilang bayan bilang isang dakilang tsismosa. Wala rin daw itong inatupag kundi pakialaman ang buhay ng may buhay kung kaya’t kaaway ng mga kapitbahay at kalapit-baryo.
Tatlong mga kapatid ang naiwan sa probinsiya samantalang tatlo rin ang pinag-abroad ng mga magulang. Noong una, sunod-sunuran ang dalawang kapatid sa bawat kagustuhan ng mga magulang.
Batas umano sa kanilang tahanan na walang mag-aasawa at kailangang buhayin nila ang pamilya sa Pilipinas. Todo naman sa padala ng dolyar ang dalawang kapatid noon. Buhay-mayaman naman ang mga magulang. Kapag dumarating ang padala, asahan na ang pagyayabang ng mga magulang.
Magarbo ang buhay ng mga magulang sa probinsiya habang tinitiis nilang magkakapatid ang hirap sa abroad.
Ngunit natauhan din ang kanyang mga kapatid at itinigil na ang pagpapadala sa mga magulang. Nakipag-live in ang kapatid na babae sa abroad, nagbuntis doon at nawalan ng trabaho. Samantala, nagpakasal naman ang isa pang kapatid niya sa abroad at hindi na nagparamdam sa pamilya.
Doon na siya nagtanim ng galit sa mga magulang lalo pa’t ipinagtulakan siyang mag-abroad at kahit maliit ang kita ay regular siyang nagpapadala na ginagastos naman sa walang kawawaan. Minsan, pinauutang pa siya sa mga kasamahang OFW dahil malaki na raw ang gastusin nila sa probinsiya. Dahil nga naman, isang buong pamilyang pensiyonado ang asang-asa sa pinaghihirapan ng ating OFW. Kaya nga wish na niya ay maglaho na lamang siya!
Takot si Nida sa mga magulang. Ayaw din niyang lumabag sa mga kagustuhan nila. Pero hirap na siya. Walang natitira sa kanyang sweldo, ubos lahat para sa pamilya sa probinsiya. Ultimo pambili ng sariling mga gamit ay wala siya.
Pinayuhan siya ng mga kapatid na nasa abroad din na panahon na para tapusin ang kanyang obligasyon sa mga magulang, pero natatakot naman si Nida sa banta ng mga ito na isusumpa siya at hindi na kailanman kikilalaning anak.
Hindi naman nagpapasaklolo si Nida, nais lang niyang ikwento ang kanyang buhay OFW.
Gayunman, pinapayuhan ng Bantay OCW si Nida at ang mga gaya niya, na may hangganan ang lahat. Hindi rin naman dapat obligahin ang anak na siyang dapat managot sa responsibilidad ng mga magulang. Ngunit kung wala nang kakayahan ang mga itong maghanap-buhay, dapat lamang nilang tulungan ang mga magulang, ngunit hindi sa puntong sila ang magdidikta kung ano ang dapat at di dapat gawin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.