PINAG-iingat ni Senador Serge Osmena si Senador Grace Poe sa kapwa nila senador na si Chiz Escudero.
Payo ni Osmena kay Poe na kung tatakbo siya bilang pangulo sa darating na halalan ay tumakbo siya bilang independent, at hindi kinakailangang isama si Escudero.
Lumutang na rin kasi ang balita na posibleng manukin ng dating political party na kinaaniban ni Escudero na Nationalist People’s Coalition si Poe.
May punto si Osmena.
Kung inaakala ni Poe na makabubuti sa kanyang political career ang pagdikit niya kay Escudero, maiging mag-isip-isip muna ang senadora.
Isabay na rin niya sa kanyang pag-iisip kung tama ba na ibuhos ang lahat ng kanyang pagtitiwala kay Escudero.
Mapanlinlang ang mundo ng politika at marami na sa karanasan ang nangyaring bumagsak at nawalan ng political career dahil sa lubos na pagtitiwala, lalo na sa mga nakakasama at nakapalibot sa kanya.
Kaya nga, tama ang payo ni Osmena.
Hindi naman maaaring sabihin na tumatanaw lang ng utang na loob si Poe kay Escudero dahil sa naging papel ng huli sa presidential bid ng ama ng senadora na si Fernando Poe, Jr. noong 2004.
Walang dapat na tanawing utang na loob ang senadora kay Escudero. Sa katunayan, kabaligtaran pa nga. dahil hindi makikilala si Escudro sa mundo ng politika kung hindi siya naging spokesperson ng yumaong FPJ noong 2004 presidential elections.
Mautak na politiko si Escudero, at alam niya na sa sandaling madikit siya kay FPJ, tiyak na sisikat siya at “malayo” ang kanyang mararating – bilang presidente o di kaya ay bise presidente man lang.
Ngayon, ang senador naman ang kanyang dinidikitan para magamit sa kanyang balakin na maluklok sa mas mataas na posisyon.
Hindi kailangang matali si Poe sa de-kahong “Grace-Chiz” o kaya ay “Poe-Escudero” tandem.
Marami ang posibleng umayaw kay Poe, hindi dahil sa talagang ayaw nila sa senadora, kundi dahil hindi nila gusto si Escudero. Kaya imposibleng hindi madamay si Poe sa pagkainis na ito lalo na kung magiging malubha na ang bangayan sa mga naglalaban sa pagkapangulo at bise pangulo sa gitna ng kampanya.
Makabubuting sumentro si Poe sa kanyang mga nagawa at planong gagawin para sa publiko. Hinid niya kailangang ikabit ang pangalan kay Escudero. Sapat na ang kanyang integridad, mga nagawa sa bayan, at ang iniwang ala-ala ng yumaong ama para manalo si Poe sa darating na eleksyon.
Dapat ding isipin ni Poe na sa sandaling pumaloob siya sa ikinakahong “Poe-Escudero” tandem ay posibleng matali siya sa partido na tatanawaan niya ng utang ng loob sa sandaling siya ay maluklok.
Hindi kailangan ni Poe ang isang political party at lalong hindi niya kailangang ikabit ang kanyang pangalan kay Escudero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.