DAPAT ikahiya si Dr. Elizel Claveria ng Ospital ng Maynila ng kanyang mga kabaro dahil sa kanyang kawalanghiyaan.
Binangga ng kotse ni Claveria ang motorsiklong minamaneho ni Eduardo Quimbo, supervisor ng isang fast-food chain, nang ang huli ay papasok sa trabaho.
Sa halip na bumaba at alalayan ang natumba at nasaktang si Quimbo, humarurot ang magaling na doktora.
Pero siya’y hinabol ng ibang nagmomotor at ipinaubaya sa mga traffic aides ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nagdala sa kanya sa presinto.
Alam ba ninyo kung ano ang ginawa ng “mabait” na doktora? Sinampahan niya ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property sa Piskalya ng Pasay City si Quimbo!
At humihingi siya ng P9,000 kay Quimbo dahil sa pagkagasgas ng kanyang kotse!
Siya na nga ang nakabangga at nag-hit and run pa (kung hindi siya nahabol) at siya pa ang may ganang magdemanda!
Ito ang salaysay ni Romy Apuyan Alayon na nakakita sa buong pangyayari:
“Ang kotse ni Dr. Claveria ay kumaliwa at tinamaan ang motorsiklo ni Quimbo na ikinatumba ng huli sa kalsada at nagtamo ng mga sugat. Hindi man lang tumigil si Dr. Claveria upang alalayan si Quimbo at sa halip ay humarurot pero siya’y hinarang ng ibang nakamotor at pinaubaya sa mga MMDA na siyang nagdala sa kanya sa police precinct sa CCP Complex, Pasay City .”
Ito naman ang mga sinabi ni Claveria sa kanyang salaysay sa pangyayari:
“May ilang motorista na sumunod sa akin at sinabi sa akin na isang tao na nakasakay sa motorsiklo ay bumangga sa aking kotse.”
“Dahil ako’y isang medical doctor, dinala ko ang tao sa Ospital ng Maynila kung saan ko siya pina-checkup.”
Sinabi ni Quimbo na kahit na siya’y nasaktan, dinala niya ang kanyang sarili sa Ospital ng Maynila.
Tsk, tsk, tsk! Doktora, wala ka na ngang puso, sinungaling ka pa. qqq
Nasiyahan ang whistleblower na si Rhodora Alvarez na binigyan siya ng maraming oras na maipaliwanag sa Senate blue ribbon committee ang kanyang paratang na “bulok” ang P1.26 billion na kontrata na isinagawa ng Department of National Defense (DND) para makabili ng 21 “state of the art” helicopters ng Air Force.
Ito ay noong Lunes, pangalawang hearing sa akusasyon ni Alvarez laban sa mga opisyal ng DND na pinangungunahan ni Secretary Voltaire Gazmin at Undersecretary Fernando Manalo.
Noon unang hearing kasi, sabi ni Alvarez, inunang dinggin ng miyembro ng komite ang mga opisyal na sangkot bago siya; at nang ang kanyang turno na, kaunti lang ang oras na nilaan sa kanya.
Sa ilalim ng kontrata bibili ng mga helicopter scraps sa Germany, isi-ship sa America upang buuin ang mga scraps upang maging helicopter at pagkatapos ay ipadadala sa bansa upang gamitin ng Philippine Air Force (PAF).
Binasa ko ang affidavit ni Alvarez at masasabi ko na kung pagbabasehan ang affidavit, makukulong sina Gazmin, Manalo at iba pang opisyal ng DND at PAF dahil sa plunder.
Kumpleto sa detalye ang affidavit.
Halimbawa, sinabi ni Alvarez na upang hindi masabi na may lagayan, si Gazmin ay binigyan ng codename na “Warehouse” at si Manalo ay “Equipment.”
Tumanggap diumano si Gazmin ng P88.2 million na commission at P63 million na commission para kay Manalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
