MAGKAKAROON ng pagkakataon ang mga lady triathletes na sina Kim Marion Mangrobang at Claire Adorna na bigyan ng kauna-unahang ginto ang Pilipinas sa opisyal na paglarga ng kompetisyon sa 28th Southeast Asian Games sa East Coast Park sa Singapore.
Sa ganap na alas-8 ng umaga gagawin ang 1.5k swim, 40k bike at 10k run women’s triathlon at paborito ang dalawang lahok ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na manalo dahil bukod sa pagiging pinakamahusay na Southeast Asian countries sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea ay nagsanay din sina Mangrobang at Adorna sa Portugal at Australia para mapaghandaan ang kompetisyong ito.
Siyam na triathletes mula Pilipinas (2), Singapore (2), Malaysia (2), Myanmar (2) at Thailand (1) ang magsusukatan at si Adorna ang may best time sa 2:09:05 na ginawa sa Incheon Asiad at ang pumapangalawa sa best time ay ang lahok ng Singapore na si Winona Howe (2:09:17) sa qualifying race para sa kanilang SEAG team.
Palaban din sa ginto ang pambansang atleta sa walong iba pang sports disciplines at kasama rito ang mga matitikas na judokas at wushu artists.
Si Gilbert Ramirez, na 2013 Myanmar SEA Games gold medalist, ay sasalang sa men’s 66-73 division habang sina Dennis Catipon at Fil-Japanese Kodo Nakano ay lalaban sa men’s 66kg at 73-81kg categories.
Sina Helen Dawa (women’s 52) at Jenielou Mosqueda (women’s 52-57kg) ang lalaban sa kababaihan.
Si Daniel Parantac na nagwagi ng ginto sa taijiquan sa Myanmar Games, ay makikipagtulungan kina John Keithley Chan at Norlence Catolico sa men’s duel event-weapons habang sina Chan at Catolico ay panlaban sa optional changquan.
Sina Kariza Kriz Chan at Natasha Enriquez ang magtatambal sa women’s duel event-weapons.
Ang mga fencers na naghatid ng dalawang pilak at isang tansong medalya ay magtatangka na makuha ang ginto sa men’s team epee at sabre at women’s team foil habang ang IOC Olympic Solidarity scholar na si Hermie Macaranas ay magbabaka-sakali na manalo sa dalawang events.
Kasali si Macaranas sa canoe singles at makikipagtambal kay OJ Fuentes sa canoe doubles sa 1000m race sa canoeing.
Ang mga ipinagmalalaking dragon boat rowers ay magsisikap na itatak ang marka sa men’s at women’s 6-crew sa 200m distance.
Ang Olympian na si Jessie King Lacuna ang mangunguna sa limang swimmers na magbubukas ng kampanya sa aquatics, ang men’s artistic team ay magsisikap na magkamedalya sa gymnastics habang sina Jayson Valdez at IOC scholar Amparo Acuna ay lalaban sa men’s at women’s air rifle event sa shooting.
Magsisimula rin ngayon ang preliminary round sa boxing at mga team sports na softball at rugby.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.