Coco matindi ang training sa pagsuntok at pagbaril para sa Ang Probinsiyano
ITUTURO ng Teleserye King na si Coco Martin at Kapamilya actress na si Julia Montes sa TV viewers ngayong Linggo (Mayo 24) ang masamang epekto ng pagiging sakim sa kapangyarihan sa pagpapatuloy ng Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures.
Ngayong malapit na nilang mabawi ang kapangyarihan ni Demetrius (Eddie Garcia), haharap muli sa malaking pagsubok sina Yami (Coco) at Tanya (Julia) dahil sa pagpigil ni Lisandro (Noni Buencamino) sa kanilang mga plano. Paano nga ba maititigil nina Yami at Tanya ang kaguluhan sa mundo ng mga engkanto?
Ano ang gagawin ni Yami sa oras na dakipin ni Lisandro ang pinakamamahal niyang si Tanya? Kasama rin nina Coco at Julia sa “Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures” ang mga premyadong aktor kabilang sina Bing Loyzaga, Arron Villaflor, Alonzo Muhlach, Ryan Bang, Marlan Flores, at Angel Aquino.
Ito ay sa panulat nina Noreen Capili at Joel Mercado, at sa direksyon ni Avel Sunpongco. Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng adventure nina Coco at Julia sa Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures ngayong Linggo, 6:45 p.m. pagkatapos ng Goin’ Bulilit sa ABS-CBN.
Samantala, puspusan na ang training ni Coco para sa bagong Primetime Bida series ng ABS-CBN, ang TV version ng classic FPJ movie na Ang Probinsiyano mula sa Dreamscape Entertainment.
Mismong ang aktor ang nag-request sa mga bossing ng Dos na sumailalim siya sa matinding training lalo na sa pagsuntok at pagbaril.
Ayaw daw niyang mapahiya sa mga fans ni FPJ, at sa pangulo ng ABS-CBN na si Charo Santos na personal na pumili sa kanya para magbida sa Ang Probinsiyano na magpapakita ng tunay na kabayanihan ng mga alagad ng batas.
Siyempre hindi maiiwasang maikumpara si Coco sa galing ni FPJ sa aksyon kaya kailangan niyang karirin ang pagiging action star. Bukod sa Queen of Philippine Movies at asawa ni FPJ na si Susan Roces, makakasama rin ni Coco sa Ang Probinsyano sina Albert Martinez, Angeline Quinto, Arjo Atayde, Bela Padilla at Jaime Fabregas, sa direksyon nina Avel Sunpongco at Malu Sevilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.