HINDI naman si Senador Antonio Trillanes IV ang pinaniniwalaan kong kulang pa sa kahandaan ang Department of Education tungkol sa implementasyon ng K to 12 Basic Education.
Ang pinakikinggan ko ay mismo ang mga guro, lalo na sa public school at tinitingnan ko ang sitwasyon sa mga paaralan para umayon na hindi pa nga ganap na handa para sa sistemang ito.
Paano patutunayan ito?
Abangan natin ang pasukan sa Hunyo at muling tatambad sa atin ang katotohanan na kulang na kulang pa rin ang mga aklat, guro at mga silid-aralan.
Iba yung target, iba yung nakatayo na at umiiral na, yung nandiyan na.
Saying that we are not fully ready and equipped is not synonymous to saying that we must remain and retain the old system of 10-year Basic Education. We actually must switch and attune our system to global and international standards.
Noon pa sana ito ginawa ng pamahalaan. And to be fair, hindi naman ito kasalanan ng kasalukuyang pamahalaan o ng pamunuan ngayon ng Department of Education.
Kung anong meron ang kasalukuyang gobyerno at DepEd ay ang political will na wala ang mga nagdaang administrasyon.
Bukod sa political will, ang higit na kahanga-hanga ay ang pagkilala sa reyalidad.
Mas magiging masakit hindi lamang para sa mga magulang kundi lalo’t higit sa mga mag-aaral at guro na isubo sila sa isang sistemang hindi pa lubos ang kanilang kahandaan.
Kailangan natin ito, kailangang-kailangan. Ngunit bago sana ikinasa, ganap muna sanang inihanda ang lahat ng aspeto bago ang implementasyon.
Hindi yung basta ginawa kasi may political will. Yung produkto at kalidad ang pagbabatayan sa dulo kung anong klaseng implementasyon mayroon.
Sabi ng DepEd, on track ang target. Pero gagawin pa lang ang 27,499 classrooms at mag e-empleyo pa lamang ng 37,000 na guro sa 2016, yan ay sa Senior High School lamang.
Hindi pa plantsado ang lahat, ikinasa na. Kaya ngayon ay nagkukumahog at nangangarag.
Maraming isyung sinusulong si Trillanes ngunit isa na siguro ito sa masasabi kong sasama ako sa diwa at sa layunin.
Nitong nakaraang ika-6 ng Mayo, si Trillanes kasama ang mga Magdalo Partylist Reps. Gary Alejano at Francis Ashley Acedillo, ay nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling na hadlangan ang pagpapatupad ng K to 12 Program dahil hindi umano nakonsulta ang mga stakeholders.
Hindi lang usapin sa ekonomiya ang isyu rito; hindi lang dagdag gastusin. Mahirap man ang mga magulang ng isang estudyante, naniniwala ako na gagawin ng magulang ang lahat para itaguyod ang anak sa pag-aaral—10 taon o kahit may dagdag na dalawang taon pa.
By all means let us implement the K to 12 Program. But let us do it with the acknowledgement of the fact that there are still many areas that needed attention before full implementation.
Nasa pagtanggap ng kakulangan ang pagtukoy sa karampatang solusyon lalo na sa harap ng isang malaking pagsubok sa pagpapalit sa isang bagong sistema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.