Pulitika sa likod ng Comelec appointment | Bandera

Pulitika sa likod ng Comelec appointment

Jake Maderazo - May 11, 2015 - 03:00 AM

NAKIPAG-USAP daw si PNoy kay Senador Grace Poe, pero ayaw daw muna niyang banggitin kung ano ang kanilang pinag-usapan. Basta, may kaugnayan ito sa magiging kandidato ng kanyang partido sa 2016 elections.

Sa Comelec, inilagay ni PNoy si Commissioner Rowena Guanzon, dating mayor ng Cadiz City at kilalang tagasunod ni Interior Sec. Mar Roxas. Dati siyang commissioner sa Commission on Audit, pero di na-confirm ng Kongreso kaya napilitang magbitiw.
Noong nasa pwesto, inutusan niya ang mga COA auditors na maghalungkat ng mga anomalya sa Makati. Isa rin siyang law partner ni Senate President Franklin Drilon sa ACCRA law office.
Itinalaga rin si Atty. Sheriff Abas bilang bagong Comelec commissioner na umaming pamangkin siya ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal. Hindi kilala kahit ng mismong Muslim Bar Association, dati siyang chief legal officer ng Civil Service Commission sa Cotabato city.
Dalawa ang isyu tungkol sa kanyang appointment: Inilagay ba siya para sa preparasyon sa isasagawang plebisito sa Bangsamoro Basic Law (BBL)? At bakit siya ang napili gayong wala naman siyang “expertise” hinggil sa election law.
Noong 2014, hinirang ni PNoy si Commissioner Christian Robert S. Lim na dating private prosecutor noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada. Siya ay dating “election lawyer” ni Roxas nang matalo sa eleksyon noong 2010. Siya ay nagsilbi noon sa impluwensyal na Villaraza Cruz Marcelo Angangco Law office.
Isa pang dikit kay Roxas ay itong si Commissioner Al Parreno, lawyer-technology expert na unang itinalaga ni Roxas sa board ng LTFRB nang siya ay secretary ng DOTC.
Dito kinakabahan ang oposisyon dahil sa “IT expertise” nito. Posibleng sa kanya ikonsulta ng Comelec ang mga kontrobersya sa Smartmatic at iba pang isyu sa “computerization”.
Si Lim naman ay isa ring private prosecutor sa impeachment trial naman ni Chief Justice Renato Corona. Sumikat noon dahil nagtakip siya ng tenga habang nagsasalita si Sen. Miriam Santiago. Dikit din kay Drilon na lider ng Liberal Party.
Sa totoo lang , dalawang appointment lamang sa Comelec ang masasabi nating parehas at walang kinikilingan.
Ito’y sina Chairman Andres Bautista, na personal kong kakilala. Nanguna sa bar exams, kilala sa Ateneo Law School bilang si “Professor Killer Bau” na talagang nagbabagsak ng estudyante kapag hindi talaga kaya.
Galing sa pribadong sector, “incorruptible” at malinis na hinawakan ang dating corrupt na “PCGG.”
Parehas din itong si Commissioner Luie Tito De Guia, ng grupong LENTE (Legal Network for Truthful Elections), na matagal nang tagabantay laban sa mga dayaan sa eleksyon.
Buo na ang hanay ng mga opisyal na pawang mga appointees ni PNoy. Tatlo ang dikit kay Roxas, isa ang kay Drilon. Bale, lima ang kwestyunable ang koneksyon at dalawa lang ang masasabing independent.
Bantayan natin ang magiging galaw nila . Alam niyo namang botohan ang labanan diyan sa Comelec lalo na kung en banc session.
Wala akong duda kina Bautista at De Guia. Pero sa iba, malaki ang aking pag-aalinlangan. Kailangan pa natin ng pruweba.
Malay natin, baka manaig sa kanila ang mga anghel de la gwardiya at makonsensiya. Baka maisip nila ang kapakanan ng bansa na pa lagi nalang niloloko tuwing eleksyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending