NAGBABALA ang pamunuan ng San Miguel Beer na kapag naulit ang masagwang simula ng Beermen tulad ng nangyari sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup ay hindi ito mangingiming simulan ang pagte-trade ng mga manlalaro.
Ito ay nasabi ng management matapos na muling payukuin ng KIA Carnival ang Beermen, 81-75, noong Miyerkules.
Magugunitang tinalo rin ng Carnival ang Beermen, 88-78, sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Kumbaga sa best-of-three ay nakakaangat na ang KIA sa San Miguel Beer sa season na ito. Kasi, noong Philippine Cup lang tinalo ng Beermen ang Carnival. Dinaig nila ang KIA Carnival, 90-74, noong Nobyembre 19.
Masaklap kasi ang pangyayaring ito para sa Beermen dahil sa nadalawahan sila ng isang expansion team.
Kung sabagay, seven-footer naman ang import ng KIA. Wala silang panapat kundi si June Mar Fajardo.
Pero hindi rin nakagalaw nang maayos si Fajardo kontra sa import ng KIA. Ilang beses pa nga siyang nabutata nito.
Ang siste’y pati ang dating season Most Valuable Player na si Arwind Santos ay wala ring nagawa upang tulungan ang Beermen. Hirap na hirap siya sa kabuuan ng laro.
Idagdag pa rito ang pangyayaring nanghina ang 6-foot-5 import ng San Miguel Beer na si Arizona Reid dahil diumano sa kinain nitong kare-kare sa tanghalian. Kaya hindi rin siya napakinabangan ng kanyang koponan.
Malalim naman ang bench ng San Miguel Beer at maraming puwedeng asahan si coach Leo Austria. Pero hindi rin nakapag-deliver ang mga ito. Para bang tinamad sila.
Katulad sa simula ng Commissioner’s Cup, aba’y nangangapa na naman ang Beermen.
Matatandaang nabugbog sila sa Finals ng Philippine Cup at nahatak sa Game Seven ng Alaska Milk bago tuluyang nagkampeon.
So, understandable na manghina sila sa umpisa ng Commissioner’s Cup dahil hindi sila nakapaghanda nang maayos.
Pero para sa Governors’ Cup, aba’y nakapagpahinga’t nakapaghanda sila.
Kasi hindi naman sila pumasok sa quarterfinals ng Commissioner’s Cup. Maaga silang na-eliminate at nagbakasyon.
Wala na silang alibi na maging masama ang simula nila at matalo kaagad sa KIA.
Dapat ay matindi agad ang naging umpisa nila dahil dapat ay atat na atat silang makabangon at makabawi sa pagkakapahiya.
Pero sa halip ay muli silang ibinaon ng KIA Carnival.
Kaya may katwiran ang management na magtampo at magbanta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.