Puno ng talento at surpresa ang unang gabi ng live show—ang dating 16 finalists ay walo na lamang. At dahil sa Challenge-a-Star round, pito sa mga ito ay maaaring mapalitan.
Ngayong linggo, ang mga manlalahok ay isa-isa nang magpapakita ng kanilang galing sa kantahan, pagkakataon para mapatunayan na sila ay karapat-dapat masali sa Final 6.
Ang bokalistang si Bon Gustilo ng Cavite ay nangangarap na manatili, bilang ang nagiisang natitira na lalaki sa show. Ang katambal niya sa unang episode na si Mia Derilo ng Iloilo ay magbabalik sa gitara na kanyang ginamit noong on-stage auditions.
Ang kapwa Ilongga at ang Shining Star of the Week na si Sam Hoberg ay determinado ring ipaglaban ang kanyang puwesto.Ang mga diva galing Bacolod na sina Lean Layumas at Rocel Solquillo ay naghahanda na para mailabas ang kanilang bersyon ng Soul Siren.
Ang “powerhouse” na boses naman nina Krez Toñacao at PFC Aiza Moreno ay lalo pang masasaksihan ng lahat. Ang pang-walong finalist na si Remy Luntayao ng Laguna ay magpapakitang-gilas rin muli.
Tiyak na mas makikilatis pa ng mga hurado ang boses, husay sa pagdala ng tono, at pag-awit nang may damdamin ng walong finalists dahil ngayon ay hindi na sila makikisabay sa iba pang finalist.
Anim na lang ang makakapasok sa susunod na round, at gaya ng sa unang live show, malaki ang maitutulong ng mga boto sa pagtakda ng kapalaran ng mga finalists.
Manood rin para malaman kung may matagumpay na makipagtunggali sa Challenge round, at kung sinong kasalukuyang finalist ang mapapalitan nito.
Ayon kay Ogie Alcasid, siya ay nagaabang pa sa mga performance sa susunod na linggo. “Hindi na sila kabado, nakikita na sanay na sila.
Inaasahan ko na maglelevel up pa ang mga susunod nilang performance.” Dagdag pa ni Venus Raj, “Ineexpect ko na mas maging intense ang laban, dahil gumagaling lang lalo ang mga contestant. Panoorin natin ang kanilang transformation.”
Nag-iinit na ang kompetisyon at ang pinakamagaling lang ang matitira. Sino ang magiging RisingStar? Panoorin ang ikalawang live episode ngayong Sabado, Mayo 2, 10PM, sa TV5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.