Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Rain or Shine vs Talk ‘N Text
Game One: Talk ‘N Text 99, Rain or Shine 92
Game Two: Rain or Shine 116, Talk ‘N Text 108
Game Three: Rain or Shine 109, Talk ‘N Text 97
Game Four: Talk ‘N Text 99, Rain or Shine 92
Game Five: Talk ‘N Text 103, Rain or Shine 94
TAGLAY ang momentum, sisikapin ng Talk ‘N Text na tapusin na ang Rain or Shine sa kanilang salpukan sa Game Six ng 2015 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven Finals mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nakapagposte ng back-to-back na panalo ang Tropang Texters sa Game Four (99-92) at Game Five (103-93) upang makaabante sa serye, 3-2. Nagwagi rin sila sa Game One, 99-92.
Kung muling mamamayani ang Tropang Texters mamaya ay maisusubi na nila ang ikapitong kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa. Huli silang nagkampeon noong 2013 Philippine Cup.
Kung mananalo sila mamaya, si Talk ‘N Text coach Joseph Uichico ay mapapabilang sa grupo nina Virgilio ‘Baby’ Dalupan, Tommy Manotoc, Norman Black, Chot Reyes at Rain or Shine coach Yeng Guiao bilang mga coaches na nagwagi ng titulo sa PBA sa tatlong magkakahiwalay na koponan. Si Uichico ay nanalo ng kampeonato bilang coach ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
Sa Game Five ay nakipagsabayan ang Talk ‘N Text sa Rain or Shine sa first quarter at nilamangan pa ng Elasto Painters, 29-27, sa pagtatapos ng unang 12 minuto ng laro.
Subalit sa second quarter ay pinamunuan nina Ranidel de Ocampo at Ivan Johnson ang 29-13 atake ng Tropang Texters na nakalamang, 57-42, sa halftime. Napanatili nila ang 14-puntos na abante, 78-64, sa dulo ng third quarter. At sa fourth quarter ay napigilan nila ang rally ng Elasto Painters upang tuluyang magwagi.
Sina De Ocampo at Johnson ay kapwa nagtapos nang may tig-27 puntos. Ang Best Player of the Conference awardee na si Jayson Castro ay nagtala ng 15 puntos at career-best siyam na assists. Nagdagdag naman ng 12 puntos si Larry Fonacier.
“We will be ready for the fight back of Rain or Shine. We know that this is not yet done because we need four wins. Tiyak na babalik sila. But we will try to finish it tonight,” ani Uichico.
Ang Rain or Shine ay pinamunuan ng import na si Wayne Chism na nagtala ng 25 puntos at 17 rebounds matapos na makaiwas sa mga fouls. Subalit kinulang siya sa suporta dahil sina Paul Lee (19 puntos) at Ryan Araña (10) lamang ang nagtapos ng may double figures sa scoring.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.