NAGBITIW si John Phillip Sevilla bilang commissioner ng Bureau of Customs dahil hindi na niya makaya ang “political pressure.”
Hindi kataka-taka na dinidiin na si Sevilla ng Malakanyang dahil malapit na ang national elections.
Ang mga customs commissioners kasi ang malaking contributors ng administrasyon kapag eleksyon.
Ibig sabihin, kailangan ng customs commissioner na magdilihensiya sa mga importers at smugglers upang makapag-contribute sa administration party.
Hindi masikmura ni Sevilla ang ganyang kalakaran kaya’t siya’y nagbitiw sa tungkulin.
Noong panahon ni Pangulong Gloria, ang customs commissioner ay nagbibigay ng pera sa Malakanyang kahit na walang eleksyon; bukod pa sa ibibigay kay dating First Gentleman Mike Arroyo.
Hindi lang yan: Nagsisilbi rin ang customs commissioner sa sinasabing karelasyon ni FG na si Vicky Toh.
Si Vicky at kapatid nitong si Tomas ay di nagbabayad ng taripa sa customs dahil sagot sila ni Mike Arroyo.
Kapag kayo’y inagrabyado ng isang judge, tumakbo kayo kay Court Administrator Midas Marquez.
Ang Court Administrator ay tumatanggap ng mga reklamo laban sa mga huwes.
Kung kayo ay nag-aalangan na pumunta sa Office of the Court Administrator na nasa Supreme Court Building , pumunta kayo sa inyong lingkod.
Sasamahan ko kayo kay Justice Marquez.
Isang abusadong judge, si Makati Regional Trial Court Judge Joselito Villarosa ang pinahiya ni Court Administrator Marquez.
Si Villarosa ay inutusan ni Marquez na isoli ang mga kagamitan at mahahalagang dokumento ng isang call center na kanyang pinakumpiska noong isang buwan.
Ang call center ay
nagrerenta sa isang building na pinag-aawayan sa korte ni Villarosa ng mga new and old owners nito.
Walang kinalaman sa court dispute ang call center kasi nagrerenta nga lang sila ng space sa building.
Pero hindi pinaligtas ni Villarosa ang call center. Pina-raid niya ito sa maraming pulis-Makati at security guards upang isarado.
Kinulong ng mga abusadong pulis at security guards ang asawa ng may-ari ng call center na isang Swedish national, at hindi pinayagang dalhan ng pagkain.
Dumulog sa aking programang, Isumbong mo kay Tulfo, ang mag-asawa sa sinapit nilang kaapihan sa judge.
Tinulungan ko silang makipag-usap kay Justice Marquez.
Inutusan ni Marquez si Villarosa na buksan ang call center na pinasara noong isang buwan.
Galit na galit daw itong si Villarosa sa order galing sa Court Administrator, pero wala siyang magawa kundi sumunod.
Iniutos din ni Marquez ang pagkakasuspendi ni Villarosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.