2-0 bentahe sa Finals target ng Talk ‘N Text
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain or Shine vs Talk ‘N Text
HANGAD ng Talk N Text na magkaroon muli ng ‘strong start’ kontra Rain or Shine sa kanilang pagkikita sa Game Two ng best-of-seven 2015 PBA Commissioner’s Cup championship series mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakontrol kaagad ng Tropang Texters ang Game One sa first half at lumamang ng 13 puntos.
Bunga nito ay napanalunan nila ang Game One, 99-92.
“But we know that Rain or Shine is capable of shooting well and bouncing back. We can’t just leave it at that,” ani Talk ‘N Text coach Joseph Uichico.
Ang Rain or Shine, na nakarating sa Finals sa pamamagitan ng 3-0 sweep laban sa Meralco sa semis, ay nakahabol sa fourth quarter sa likod ng kabayanihan ng import na si Wayne Chism. Naibaba ng Elasto Painters ang abante ng Tropang Texters sa limang puntos, 87-82, may apat na minuto pa sa laro.
Naiangat ni Jay Washington sa pitong puntos ang bentahe ng Tropang Texters sa pamamagitan ng dalawang free throws. Subalit umiskor sa layup si Gabe Norwood para muling dumikit and Rain or Shine, 89-84.
Gumawa ng tatlong puntos sa sumunod na 4-0 atake ng Talk ‘N Text si Ranidel de Ocampo upang tuluyang makalayo ang kanyang koponan.
Ang Rain or Shine ay huling lumamang, 7-6, bago dinomina nang tuluyan ng Talk ‘N Text ang laro.
Si De Ocampo ang siyang nahirang na Best Player ng laro matapos gumawa ng 24 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.