Ai Ai napaiyak sa pagbabalik sa GMA; 5 agad ang show
PORMAL nang pumirma ng two-year exclusive contract ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa GMA 7 kahapon. Welcome na welcome naman siya sa mga bossing ng network sa pangunguna ni Atty. Felipe Gozon. Napaiyak si Ai Ai nang hingan ng mensahe sa pagbabalik niya bilang Kapuso. Na-touch daw kasi siya sa mga sinabi ng mga GMA executives sa naging desisyon niya na bumalik sa Kapuso network, lalo na nu’ng sinabi ni Atty. Gozon na siya pa rin ang favorite nito sa kabila ng paglipat niya noon sa kabilang istasyon. Sey ng Comedy Queen, “Yes, I have returned. Nandito na ako uli sa dati kong tahanan. Ang buhay ko sa showbiz ay parang sa tunay na buhay ko rin kasi. Nu’ng napunta ako sa Maynila nahiwalay din ako sa nanay ko. Doon ako sa auntie ko tumira, hanggang sa pasukin ko na ang pag-aartista. “Tapos nu’ng bumalik nga ako sa nanay ko, nu’ng kinuha ko siya, may Alzheimer na siya kaya hindi na niya ako makilala. At yun ang pagkakaiba, kasi hindi pa rin ako nakakalimutan ng GMA, tinanggap pa rin nila ako,” emosyonal na pahayag ni Ai Ai. Sa pagbabalik-Kapuso ng Box-Office Queen, agad siyang sasabak sa bagong teleserye ng Siyete, ang TV remake ng pelikulang Let The Love Begin na pinagbidahan noon nina Angel Locsin at Richard Gutierrez. Makakasama ni Ms. A dito sina Ruru Madrid at Gabbi Garcia. Bukod dito, naka-line up na rin ang gagawin niyang morning show sa GMA, pati na rin ang sitcom na pagsasamahan nila ni Vic Sotto. Meron din silang gagawin ni Ryzza Mae Dizon at isang Sunday show. Gagawa rin sila ng anak na si Sancho Vito ng isang proyekto sa Siyete bukod pa sa isang madramang episode sa Magpakailanman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.