Dabarkads sasabak sa matinding drama para sa ‘Eat Bulaga’ Holy Week special | Bandera

Dabarkads sasabak sa matinding drama para sa ‘Eat Bulaga’ Holy Week special

Ervin Santiago - March 29, 2015 - 02:00 AM

aiza seguerra
MAGSASABOG muli sa Eat Bulaga ng mga back to back na kuwento ng inspirasyon, pag-asa at kapupulutan ng aral ngayong Semana Santa sa anim na istoryang mapapanood simula sa Lunes Santo, Marso 30 hanggang Miyerkoles Santo, Abril 1, 12 ng tanghali sa GMA 7.

Pagbibidahan nina Nova Villa at Keempee de Leon ang episode na “Biro ng Kapalaran” sa Lunes Santo. Tungkol ito sa pag-iibigan ng dalawang taong magkalayo ang agwat ng edad.

Kahit dumanas ng mga balakid sa pagmamahalan ay ipinaglaban pa rin nila ito. Kasama nila rito sina Paolo Ballesteros at Jimmy Santos, mula sa direksyon ni Mark Reyes.

Kasunod nito ang “Pangako ng Pag-ibig” nina Pauleen Luna, Rocco Nacino, Anjo Yllana, Luis Alandy at Jaclyn Jose. Dumanas ng aksidente si Michael (Rocco) nang masunog ang kanyang mukha.

Naging dahilan ito upang makadama ng kawalan ng pag-asa si Rose (Pauleen) sa kinakasamang lalaki, hanggang sa maghiwalay.

Subalit nangibabaw pa rin ang pag-iibigan sa isa’t isa kahit matapos ang mga pagsubok sa buhay na humantong din sa pagpapakasal. Ito’y idinirek ni Joey Javier Reyes.

Sa Martes Santo, abangan ang “Lukso ng Dugo,” bida ang dati at kasalukuyang child wonder na nadiskubre ng Eat Bulaga, sina Aiza Seguerra at Ryzza Mae Dizon. Magkapatid sina Aiza (Alex) at Ryzza (Micah) na nabubuhay sa pangangalakal habang nakatira sa isang tiyahin.

Pinalayas sila kaya napilitang tumira sa kalye. Dala ng hirap at hindi na kayang buhayin pa ang nakababatang kapatid, ipinamigay ni Alex si Micah. Naghiwalay sila ng landas at nagsikap sa buhay.

Subalit nanaig pa rin ang pagmamahal sa batang kapatid at mas pinili niyang samahan at kanlungin ang kapatid. Makakasama nila rito sina Ricky Davao, Julia Clarete at Pia Guanio.

Ang premyadong actress-director na dati ring child star na si Gina Alajar ang nagdirek nito. Susundan ito ng isang light drama na pinamagatang “Pinagpalang Ama” starring Joey de Leon.

Kahit na nga ang dalawa (Jose Manalo at Wally Bayola) sa tatlo niyang anak ay bading, isang malaking dagok sa pagkatao niya ang kanyang sinapit nang madiskubre ang sikreto ng paborito at bunso niyang anak (Ryan Agoncillo).

Paano tatanggapin ng isang ama ang tunay na katauhan ng isa pang anak na naglihim sa kanya? Si Bb. Joyce Bernal ang nagdirek ng episode na nagtatampok din kay Pilita Corrales.

At sa Miyerkoles Santo, tampok ang “Aruga ng Puso” at “Sukli ng Pagmamahal.” Pinagbibidahan ni Marian Rivera ang unang episode. Masaya silang namumuhay ng kanyang ina (Irma Adlawan) hanggang sa kapwa sila nawalan ng trabaho sa isang patahian.

Nadagdagan pa ang problema nila nang atakihin sa puso ang ina. Napilitang pumasok na yaya ng dalagitang may kapasanan (Bianca Umali) si Vangie.

Napabayaan niya ang kanyang ina pero nadagdagan pang lalo ang problema niya nang iwan sa kanya ng tiyuhin ang alaga kaya napilitan siyang itira ito sa kanilang tahanan.

Kayanin kaya niyang pasanin ang krus na mag-isa? Mula sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal, tampok din dito sina Luis Alandy at Ruby Rodriguez.

Pinagbibidahan naman ni Vic Sotto ang episode na “Sukli ng Pagmamahal” na kinunan sa isang baryo sa Cebu. Isang huwarang guro ang role ni Vic (Greg) na higit na inuuna ang kapakanan ng kanyang estudyante bago ang sarili.

Dinapuan ng sakit si Greg kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral at dahil na rin sa kakapusan ng perang pampagamot. Sa tulong ng pamilya at taong nagmamahal sa kanya, naipagamot si Greg at bumalik sa pagtuturo na masiglang-masigla na hindi inakalang ang pagmamahal na ibinibigay sa mag-aaral at susuklian ng magandang kapalit.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tampok din sa episode na ito sina Tito Sotto at Allan K sa direksiyon ni Joel Lamangan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending