Diborsyo? Lola mo | Bandera

Diborsyo? Lola mo

Lito Bautista - March 27, 2015 - 03:00 AM

SINUMANG magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay papatayin. Exodo 21:15; at, May mga taong naninira sa kanilang ama, masama ang sinasabi sa kanilang ina. Kawikaan 30: 11

Diborsyo ba ang pag-uusapan at hindi na ang Mamasapano massacre? Ginawa na rin ito noong panahon ni Gloria Arroyo, habang gumugulong siya sa kuyog na wala namang ebidensiya. Ang kuyog, o oposisyon, noong panahon ni GMA, ay ngawa lang nang ngawa at walang ebidensiya.

Ang kuyog ngayon, sa panahon ng butihin at mapagmahal na anak nina Ninoy at Cory, ang Ikalawang Aquino, ay may ebidensiya sa kanyang pagpapabaya, palpak na pamamahala sa paglusob sa Mamasapano, ang kanyang naglulubid na pagsisinungaling, ang kanyang katigasan ng ulo na ayaw pa ring umamin sa pagkakamali at ang imposibleng paghingi ng paumanhin sa mga balo at naulila ng SAF 44 at taumbayan, o kanyang boss na nagpapasuweldo sa kanya at sa kanyang magnanakaw na mga alipores.

Kapag pinag-usapan ang diborsyo ay maililipat ang apoy ng poot mula sa Mamasapano patungo sa hukumang proseso ng paghihiwalay. Yan ang akala nila. Maling akala. Tsk-tsk-tsk.

Ang tinanong ng nag-survey ay mahigit lamang 1,000 katao. Susme, 110 milyon na tayo ngayon. Talagang may sayad ang nag-survey.

Hindi alam ng nag-survey na mas napakaraming mahihirap ngayon at sa panahon mismo ng Aquino. Hindi rin alam ng nag-survey na mas mabilis manganak ang mga babae sa depressed areas ngayon. O nagmamaang-maangan lang ang nag-survey.

Hindi alam ng nag-survey kung ano ang kalakaran ng lugmok at marahas na pamumuhay sa Payatas A at Payatas B, Pabahay ni Erap, Gitnang Bayan, Manggahan, Litex, Holy (Bad) Spirit, Bagong Silang, Tala, Malaria, Baseco, Parola at iba pang impiyerno (langit naman daw) na lugar o barangay sa Metro Manila. Metro Manila pa lang yan. At sinlala rin ang pamumuhay sa depressed areas sa Visayas at Mindanao, o higit pa.

Sa mga lugar na ito ng impiyerno (o langit, sige na nga) ay talamak ang sama (live-in). Ang sama ay kinabibilangan ng binata’t dalaga, binata’t may asawa, may asawa’t dalaga, binata’t biyuda, biyudo’t dalaga, kapwa dating may mga asawa pero kapwa sumakabilang bahay na rin ang unang mga asawa, o trip lang na magsama, o mag-asawahan na lang, ng sanlinggo o isang buwan (siyempre, ang katuwiran nila ay ginagaya lang naman nila ang mga artista, na kung magpalit ng kasiping ay nakalulula sa bilis).

Oo nga’t panaka-naka’y may mga kasalang-bayan na idinaraos ang ganid na mga politiko sa kanilang balwarte. Pero, ang bawat kasalang bayan ay sinasala sa proseso na ayon sa kagustuhan ng ganid na mga politiko. Kaya naman, maraming mahihirap ang di sumasali, dahil merong kapalit ang libreng kasalan.

Sa depressed areas ay nakatira ang arawang mga obrero. Ang arawang obrero ay tulad ng pinakamataas na antas ng santo, si San Jose, ang ama ni Jesus at asawa ni Maria. Si San Jose ang pinakamataas na santo dahil mismong ang Diyos Ama, sugo ang anghel, ang nakipag-usap sa kanya, dalawang beses sa panaginip (tulad ni Pope Francis, meron din akong rebulto ng natutulog na San Jose). Arawang obrero din sina San Jose at Panginoong Jesu-Kristo.

Tulad ng arawang mga obrero na sina San Jose at Jesu-Kristo, ang arawang mga obrero sa depressed areas sa Pinas sa panunungkulan ni Aquino ay hindi rin araw-araw ang trabaho. Minsan ay walang trabaho sina San Jose at Jes-Kristo, pero ang arawang obrero sa Metro Manila ay madalas walang trabaho dahil walang “tawag.”

Paanong matutustusan ng arawang obrero ang gastos sa annulment of marriage, legal separation at diborsyo? Saan sila kukuha, na imposibleng maganap dahil ni minsan ay hindi nga nakapag-ulam ng crispy pata, ng pera para matustusan ang annulment? Saang palad ng diyos kukunin ng mahihirap ang pera para sa diborsyo? O ang sustento sa mga anak kapag diborsyado na?

Itong nag-survey, itong gobyernong Aquino, itong magnanakaw na mga senador at kongresista, ay isinasakay lang ang mahihirap sa tsubibo. Napakalaking kasalanan iyan sa Taon ng Dukha (Year of the Poor) at sa dikta ni Pope Francis, na Taon ng Awa’t Habag (mercy and compassion). Oo nga naman, hindi taon ng politiko dahil hindi sila poor. Mas lalong hindi poor ang asenderong si Aquino.

Kung gusto ninyong magsinungaling at mambola, magsinungaling kayo’t bolahin ang mga lelong ninyong panot. Pero, ang lelong na panot ay noon pang Dekada 50 at 60. Wala nang lelong ngayon, pero nariyan pa rin ang mga panot. Diborsyo ba ang gusto ninyong pag-usapan at hindi ang paglapastangan sa namatay na SAF 44?

Ngayong Semana Santa, sa ilalim ng Taon ng mga Dukha at misyon ng Santo Papa para sa awa’t habag, mas makagagaan sa inyong kaluluwa ang pamamahagi ng inyong sobrang pera, pagkain at gamit sa Tahanang Mapagpala ng mga madre ng Immaculada Concepcion sa Kilometer 43, Malanggam st., Bulihan, Malolos City, Bulacan. Kinukupkop ng mga madre, sa pangunguna ni Sister Fatima, ang matatandang babae, o tinawag na mga lola, na itinaboy ng kanilang mga anak o kamag-anak, at napulot na lang na pagala-gala sa kalye, o nakikisilong sa bangketa ng mga nagsarang tindahan, grocery, botika, pagsapit ng alas-11 ng gabi para matulog sa pinakaiingatang karton at plastik.

Dahil sa matatanda na, ang ilan ay tinatayang 90-anyos na, may mga sakit na rin sila at tinutustusan ng gamot, o pagpapagamot sa mga ospital ng gobyerno, ng mga madre. Pangkaraniwan ang namamatay na mga lola dahil sa labis na katandaan o sakit. Ang mga labi ay ipinalilibing din ng mga madre sa dormitoryo ng campo santo ng gobyerno.

Ang ataol ay pinakamura, kung may nakakalap na konting pera (P3,000 o P3,500). Kung walang makalap na pera ay naglalagari na lamang ng gamit na plywood at saka dinidikitan ng puting papel de hapon. Walang embalsamo (dahil mahal ito) at sa loob ng 24 oras ay inililibing si lola. Isang jeep lamang ang naglilibing, kasama ang dalawang tagabuhat at dalawang madre.

Kung ano ang damit ng lola nang siya’y mamatay, at kapag malinis na ito, siya na ring suot niya sa huling hantungan. Kung may magbigay ng kupasing baro’t saya ay mas mabuti, pero bihira nang nangyayari ito. Naiyak ako nang ilahad ni Sister Fatima na minsan ay dalawang lola ang kanilang magkasunod na inilibing nang wala man lang ni isang kandila dahil walang kapera-pera ang mga madre, kahit pambili man lang ng isang esperma.

Kapag walang pambili ng bigas o walang nagbigay ng bigas ay halos sanlinggong lugaw ang mga lola. Kapag walang pera at walang magbigay ay sumasala na rin sa gamot ang kawawang mga lola. May mga lola na sa kanilang kapiraso at nalalabing memorya ay nailalahad ang kalupitan ng kanilang mga anak. May mga lola na dahil sa katandaan at pananalasa ng sakit ay nabura na ang memorya, kaya di alam ng mga madre ang kanilang pangalan at birthday.

Kulang ang espasyo sa pahinang ito kung ilalahad ko ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga lola. Ang tahanan ay bukas 24 oras para sa inyong tulong, pera, diapers, gatas, bigas, damit panlibing, noodles, gulay, frozen meat, oatmeal, papaya, kangkong, sitaw, bottled water, mantika, toyo, patis, iodized salt, asukal, kape, tsaa, toothbrush, tooth paste, sabong panlaba’t pampaligo, pulbos na tawas, atbp. Dalhin lamang sa Tahanang Mapagpala sa Kilometer 43, Malanggam st., Bulihan, Malolos City, Bulacan ngayong Semana Santa at ang Diyos na ang tutugon sa inyo.

Ang bugok na mga pulis sa Caloocan ay may bagong tambayan. Nakatambay sila sa dilim ilang metro lang ang layo sa mga beerhouse sa 7th at 5th avenues, sa Camarin at Bagong Silang (Kaliwa at Kanan). Hinaharang nila ang mga nakamotor na galling sa mga beerhouse. At sila’y aakusahan na nagmamaneho nang nakainom, kahit walang breathalyzer. Pero, sa kulay ng pera, walang kaso.

Tatlong taon na ang nakararaan nang isulat natin na ang pinuno ng agaw-motor sa Camarin at Bagong Silang ay mismong pulis sa Camarin, na katapat ang kapilya ng Iglesias sa presinto. Talagang ang bugok na mga pulis sa Caloocan, hindi tinatantanan ang mga nakamotor. Nang pasabugin ng Bandera ang istorya noon, wala raw alam si Jude Santos!

MULA sa bayan (0906-5709843): Si Sen. Trillones, tatakbong bise presidente? Iniwan nga siya ng 11 milyon bumoto sa kanya nang mag-martsa sa Manila Pen mula sa Makati RTC, umaasa pa siya na may boboto sa kanya? Sa Makati, bobokyain namin siya. Gading, Poblacion …7542

Bakit hindi itinaas ang suweldo namin dito sa Davao City? Workers din naman kami. Mabilis tumaas ang presyo ng mga bilihin at pagkain, pero hindi tumataas ang suweldo. Ngayon, nagising na ako. Hindi pala ako boss. Nina ng Bangkerohan. …6990

Matatalo si Pacquiao. O kundi’y split. Ang hindi namin tanggap ay bakit masyado nang pera-pera ang boksing ngayon gayung marami ang naghihirap sa GenSan? Mariano, Barangay Fatima, GenSan …1255

Hoy Coloma, ang sabi mo, sa susunod na 15 buwan ay gagawa ng paraan si Aquino para magkaroon ng trabaho ang mga walang trabaho. Sa susunod na 15 buwan, hindi kami kakain? Huwag mo kaming bolahin, Coloma. …Ernie, PUP Mesa …3221

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Narinig namin sa radyo na hindi pala totoo ang Jabidah massacre at napatunayan ito mismo ni Sen. Benigno Aquino. Ayon sa lolo ko, wala raw namatay na Muslim dahil siya mismo ang tinanong ni Ninoy sa Jolo. Bakit nagpalagay ng marker para sa pamamaslang ng mga Muslim? Sahadi, Cotabato City …0775

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending