‘Mas malalaking cash prizes, bahay at lupa at mga kotse!’
Ang pinakahihintay na araw ng mga kababayan nating sabik na sabik na sa pagbabalik ni Willie Revillame, April 26, Linggo nang hapon sa GMA 7.
Wala na ngang makapipigil pa sa muling pagpapasaya ni Willie sa kanyang mga tagasuporta, lalo na sa mga lolo at lola na giliw na giliw sa kanya, at sa mga Pilipinong nangangailangan ng malalaking papremyo para magbago ang estado ng kanilang buhay.
“Kung masaya sila sa pagbabalik ko, mas masaya akong makapagpasaya uli sa kanila. Matagal kong na-miss ito, kahit saan ako magpunta, miss na miss ko ang mga taong walang sawang sumusuporta sa akin.
“And this is the time, babalik na ang pagbibigay natin ng house and lot sa kanila, mga sasakyan na isang susian mo lang, e, maiuuwi mo na ang unit, saka ang mga cash prizes na mas bobonggahan pa namin kesa sa dati,” pahayag ng masayang-masayang si Willie.
Si Willie ang magpoprodyus ng kanyang programa, dalawang milyong piso kada linggo ang babayaran niyang airtime sa GMA 7, masarap na mahirap ang pinasok niyang transaksiyon.
“Masarap dahil kung ano ang gusto naming gawin sa show, e, masusunod nang kami-kami lang ang magdedesisyon, pero mahirap, dahil ako ang hahawak ng lahat ng responsibilidad sa airtime, sa staff and crew, sa lahat-lahat bilang producer,” kuwento pa ni Kuya Wil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.