Kahangalan ng 2 mayor ng Makati | Bandera

Kahangalan ng 2 mayor ng Makati

Jake Maderazo - March 22, 2015 - 08:27 PM

MAGKAKAALAMAN na kung hindi sa Marso 30 o 31 kung sino talaga ang tunay na pinuno ng Makati – si Mayor Junjun Binay o si acting Mayor Romulo Kid Peña.

Sabi ng DILG, Ombudsman at maging ng DOJ, wala nang bias o “moot and academic” na ang TRO na inilabas ng Court of Appeals dahil naipatupad na ang suspension order laban kay Binay, at nakapanumpa na si Pena bilang acting mayor.

Kontra naman sina dating Senador Nene Pimentel, ang Integrated Bar of the Philippines at maraming legal experts tulad nina Fr. Ranhilo Aquino ng San Beda at Harry Roque. Giit nila ang dapat manaig ay ang TRO na nagbabalik kay Binay sa pwesto.

Dahil sa pagbalewala sa TRO ng CA, nagsampa ng contempt of court sina Binay laban kina Interior Sec. Mar Roxas, Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Justice Secretary Leila de Lima at Peña. At noong nakaraang Biyernes binigyan ng CA ng tatlong araw sina Roxas na magpaliwanag. Itinakda ang pagdinig sa Marso 30.

Ang mga nangyayaring ito ay indikasyon na umiinit na pulitika sa pagitan ng Liberal Party at mga Binay o sa madaling salita, sa pagitan nina Roxas at Vice President Jojo Binay dahil sa 2016 elections.

Lalong umiinit ang bakbakan nang sumulat pa ang DILG sa Land Bank at mga bangko para sabihin na ang acting mayor na si Pena ang dapat pumirma sa mga tseke ng lungsod, bagay na agad namang kinonta ng mga Binay sa pamamagitan din ng sulat sa mga bangko.

Ngayon, sino ba ang talagang dapat na pipirma sa mga payroll at bayarin ng Makati City Hall?

Nanganganib na madiskaril ang lahat ng transaksyon sa lungsod, katulad ng sweldo ng mga empleyado, bayarin sa kontrata sa basura, operasyon ng mga eskwelahan, ospital, maging lisensya at buwis ng mga negosyante, permiso ng mga manggagawa, at marami pang iba dahil sa bangayan ng dalawang grupo.

Pero, ang mabigat na binabantayan ay ang lantarang pagbalewala ng Aquino administration officials sa TRO ng CA. Umiiral pa ba ang “rule of law” kung ganitong hindi na iginagalang ang mga utos ng korte? Ninenerbyos din ang iba pang mayor o gobernador sa buong bansa na baka sila naman ang pag-initan ng DILG, Ombudsman at DOJ bago ang halalan o kaya ay ng susunod na administrasyon.

Dapat nang magwakas ang pagtatalong ito ng dalawang mayor ng Makati lalo pa’t financial/business district ito ng bansa.

Paano maaakit ang mga negosyante na mag-invest sa bansa kung ganito ang mga bumabanderang balita?
Sino ba ang masusunod sa bansa natin? Balewala na lang ba ang mga TRO? Balewala na lang ba ang CA na pangalawang pinakamataas na korte sa bansa? Sino ba ang masusunod sa batas, ang Judiciary ba o ang Executive Department?

Kadalasan, nakalalasing talaga ang kapangyarihan. Hindi lang sa panig ng mga Binay na 29 years nang namamayagpag sa Makati kundi maging sa mga opisyal ng Tuwid na daan at Liberal party na tila naghuhurumentado na maibagsak lang ang mga kalaban sa pulitika.

Sa totoo lang, kahiya-hiya at nakakasuka ang kahangalan ng dalawang mayor na nagpupumilit na sila ang “legal” na dapat mangasiwa ng lungsod kahit pa magkaletse-letse pa ang kinabukasan ng kanilang mamamayan. Mga manhid!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya naman, hinahamon ko ang hudikatura o Judiciary branch na magdesisyon agad-agad nang walang halong pulitika, nang walang gapangan, walang impluwensya kundi totoong interpretasyon ng batas lamang. Sawang-sawa na tayo sa mga bangayan, kasinungalingan, siraan pati sangkaterbang pulis at SAF sa Makati. Dapat lang na magsalita nang “pinal” ang Court of Appeals para tumahimik na ang bayan at matapos na ang isyu.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending