Charo Santos may pakiusap sa mga estudyante para sa Pinoy media
Pinayuhan ni ABS-CBN president at CEO Charo Santos-Concio ang mahigit isang libong estudyante sa komunikasyon na pahalagahan ang kanilang values at maging responsable sa paggamit ng media para magdala ng inspirasyon at hindi sa negatibong paraan.
“Your talent may win you your dream. But only your good values that will make you feel proud of yourself,” sabi ni Santos-Concio sa kaniyang keynote address sa Pinoy Media Congress (PMC) Year 9 kamakailan sa St. Paul University Manila.
Kasama ni Santos-Concio sa kaniyang homecoming sa kanyang alma mater ang ilang ABS-CBN executives na nagsilbing resource speakers sa PMC, na layuning ihanda ang mga estudyante sa kanilang magiging propesyon sa hinaharap.
Sila ay sina ABS-CBN executives Fernando Villar, Maria Concepcion Alcedo, March Ventosa, Marah Faner-Capuyan, Roxy Liquigan, Ging Reyes, Donald Lim, Leo Katigbak, Enrico Santos, Vivian Tin, and Laurenti Dyogi.
Matapos ang mga sesyon kung saan mas naintindihan ng mga estudyante ang mga bagong sistema at teknolohiya sa media, nakipag-dayalogo rin sa kanila ang mga boss sa pangunguna ni Free TV head Cory Vidanes.
Dito muling ipinaalala sa kanila ang importansya ng tamang pag-uugali sa industriya. Ani Vidanes, kailangan ng sipag at sakripisyo. Pagiging kritikal naman ang sabi ni Reyes.
Sabi ni Tin, kailangan ding buo ang loob at puso ng mga gustong pumasok sa media. Payo naman ni Dyogi, matuto silang magkuwento ng magagandang istorya at kaya nila itong simulant sa kani-kanilang tahanan.
Sorpresang dumating naman ang ilang Kapamilya stars tulad nina Nash Aguas, Alexa Ilacad, Loisa at Joshua ng Pinoy Big Brother, Rayver Cruz, JM De Guzman, at Alex Gonzaga upang magbigay aliw sa mga estudyante.
Ipinahayag ng mga delegado kabilang ang ilang galing pang malalayong probinsya sa Maynila tulad ng Baguio, Tacloban, at Cagayan de Oro ang kanilang kasiyahan na maging parte ng PMC, na isinasagawa ng ABS-CBN Corporation at Philippine Association of Communication Educators Foundation (PACEF).
Sa tagumpay ng ikasiyam na ediyson ng PMC, umaasa si ABS-CBN Integrated Corporate Communications Division officer in charge Kane Errol Choa na mas marami pang estudyante ang kanilang matutulungan sa hinaharap.
“Masaya kami at patuloy na dumarami ang mga delegado kada taon. Pati ibang institusyon, nagsasagawa na rin ng ganitong klaseng pagtitipon.
Patuloy pang tutulungan ng ABS-CBN na ihanda ang mga estudyante para siguraduhing ang magandang kinabukasan ng ating media,” sabi ni Mr. Kane.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.